HINDI napigilang maluha ni Kim Chiu nang mapag-usapan ang ukol sa kanyang ama sa presscon ng Love Thy Woman, ang teleseryeng pagbibidahan niya kasama si Xian Lim na mapapanood na simula Pebrero 10.
Bago ang pag-iyak, inamin muna ni Kim na mayroong ibang pamilya ang kanyang ama na tulad sa kuwento ng Love Thy Woman na mayroong 2nd family si Christopher de Leon. Mayroon din siyang mga kapatid sa labas. Sila ang first family ng kanyang ama samantalang sa Love Thy Woman, sila ni Sunshine Cruz (ang kanyang ina) ang 2nd family at si Yam Concepcion ang sa first family na anak naman ni Eula Valdes.
Aminado si Kim na naka-relate siya sa istorya dahil may mga kapatid siya sa labas, ”Tinitingnan ko kapag umaarte kami. Kawawa rin pala ang mga anak (sa labas) ng Papa ko, ‘no? Kasi kapag first family parang ikaw ang ‘yung pinakamatapang.
“My character came from second family, so now I understand the feeling ng mga kapatid ko sa labas. Marami naman kami. Masipag ang Papa ko. Hindi, mapagmahal lang ang Papa ko. In this teleserye, you can see what happens inside a modern Chinese family,” sambit pa ni Kim.
Kaya nang natanong siya kung paanong nabago ang pagtingin niya sa love gayung may extended family din ang kanyang ama, sinabi nitong, ”Growing up, lagi akong nagwa-wonder kung nasaan ang papa ko, lagi kasi siyang wala. Ang dami kasi niyang pinupuntahan. Hindi kasi siya bahay, sa city siya. Nililipad niya talaga iyon.
“Habang lumalaki, okay na ako na wala akong father figure. Pero kapag may special events, nariyan naman siya. Kunwari may event, bibigyan ako ng award, honor kasi ako noong elementary ako, ‘ah, sino ang pupunta, sino ang aakyat (sa stage)?’ Magugulat na lang ako, ‘ah, si Papa pala. Dumating pala siya.’
“Iyon ang naging motivation ko, na mag-aral akong mabuti para every time na mayroon akong award, pupunta siya. Sa mga birthday…hala, naiiyak ako,” sabay tulo ng luha.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio