ALAM ng Filipino-American producer na si Arsy Grindulo Jr., na mahilig sa horror at sci-movies ang mga Filipino kaya naman naengganyo siyang dalhin sa Pilipinas ang kauna-unahan niyang ipinrodyus na pelikula abroad, ang Ascension.
Aminado si Grindulo na hindi niya gamay ang pagma-market ng pelikula niya sa ‘Pinas dahil first time producer nga siya pero dahil aware siyang kumikita ang mga horror movie sa Pilipinas, umaasa siyang panonoorin ang Ascension.
Napansin namin ang kakaibang tema ng pananakot at panggulat na ginamit sa psychological sci-fi thriller na Ascension na handog ng WFL Productions.
Ang istorya ng pelikula ay iikot sa 16-year-old na si Angela (Ana Mulvoy Ten) na dumaranas ng depresyon at mental issues matapos magpakamatay ang ina (Robyn Cohen) na pinaniniwalaang sinaniban ng “extraterrestrial force”. Inatake rin ng matinding kalungkutan ang nakatatanda niyang kapatid na si Becca (Christie Burke) at bunsong si Chloe (Farrah Mackenzie). Kaya naman nagdesisyon ang ama niyang si Jason (Michael Traynor) na patigilin muna sila sa pag-aaral at kumuha ng tutor, si Gabby (Benedita Pereira).
At habang nilalabanan ang depresyon at ang pangungulila sa ina, bigla na lang sinaniban ng kung anong elemento si Becca mula sa kalawakan na pinaniniwalaang siya ring sumanib sa katawan ng ina.
Rito na nagsimulang mag-iba ang mga kilos at galaw ni Becca hanggang sa turuan na niya ang bunsong kapatid na si Chloe ng kung ano-anong dasal na sila lang ang nakaiintindi. Nang makatunog na si Angela sa pinaggagagawa ni Becca, nagsimula na siyang mag-imbestiga para alamin kung bakit tila nababaliw na ang kanyang ate.
Sa tulong ng boyfriend na si Ethan (August Roads) nalaman nila na plano palang ialay ni Becca ang kapatid para anakan at lahian ng mga “alien”.
Samantala, ito ang kauna-unahang pagsabak ni Grindulo sa filmmaking pero agad siyang nakakuha ng 12 awards mula sa iba’t ibang international film festivals, ang pinakahuli ay ang Best Sci-Fi Thriller Feature at Best Cinematography sa Hollywood Horror Fest last year.
Ang Ascension ay idinirehe ni Ross Wachsman, graduate ng Yale University at USC School of Cinematic Arts at recipient ng prestigious Annenberg Fellowship Awards. Ito ay co-executive produce ni Max Borenstein, isa sa mga creator, writer, at producer ng Steven Spielberg’s Minority Report series sa Fox. Parte rin siya ng worldwide box-office hit na Godzilla, Kong: Skull Island, at ng 2019 blockbuster film na Godzilla 2.
Sinabi ni Grindulo na posibleng mag-produce siya ng isang romcom movies na pagbibidahan ng mga Filipino actor kapag nagtagumpay ang Ascension.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio