KUNG ikokompara sa ibang urban center, masasabing mapalad pa rin ang mga consumer sa Metro.
Kahit marami ang nagrereklamo sa halaga ng bayarin sa tubig, lumilitaw sa mga datos na pinakamababa pa rin ang singil sa tubig sa Metro Manila kompara sa 12 metro cities sa buong Filipinas maging sa ibang siyudad sa Asia-Pacific region.
Ang consumers ng Metro Manila na may konsumong 10 cubic meters ng tubig kada buwan ay nagbabayad lamang ng P104 samantala kung ikokompara ang kaparehong konsumo, ang isang taga-Baguio ay nagbabayad ng P370.
Kasunod ng Baguio sa may pinakamataas na singil ang San Jose Del Monte na pangalawa sa may pinakamataas na water rate sa presyong P280 sa 10 cubic meters kada buwan.
Sa datos mula sa Local Water Utilities Administration (LWUA), mas mataas din ang binabayaran sa tubig ng mga consumer sa Angeles, Batangas, Bacolod, Cabanatuan, Cagayan de Oro, Dasmariñas, Metro Iloilo, Metro Cebu, at Davao.
Ang water rates sa Metro Manila ay pinapatawan ng 12% value-added tax (VAT) at environmental charges. Para sa consumers na gumagamit ng 20 cubic meters kada buwan, ang Davao City ay nagpapatupad ng pinakamababang rate na P281 at pangalawa sa pinakamababa ang Metro Manila na sumisingil ng P306.
Sa rates na ito, pinakamataas muli ang Baguio City na umaabot sa P775 ang singil kada 20 cubic meters konsumo kada buwan.
Base naman sa comparative rates ng 2018 Global Water Intelligence Report, kung ikokompara ang water rates sa mga siyudad sa Asya Pasipiko para sa mga consumers na gumagamit ng 15 cubic meters kada buwan, ang Metro Manila pa rin ang pinakamababa sa halagang P18.28 kada cubic meter.
Ang Sydney, Australia na may pinakamataas na rate sa presyong P99.63 per cubic meter kapag nai-convert ang rate sa Philippine peso gamit ang P53.33 exchange rate per US dollar.
Ibig sabihin nito, mapalad ang mga consumer ng tubig sa Metro Manila.