Tipikal sa ating mga Pinoy ang pagiging madiskarte. Kung araw-araw kang nagko-commute para pumasok sa eskuwela o makarating sa iyong trabaho, pipiliin mo siyempre na sumakay at makipagsiksikan sa tren partikular sa Light Rail Transit (LRT) 1.
Kahit kadalasan ay siksikan, bawas stress naman ito sa grabeng kunsumisyong dala ng matinding bigat ng trapiko. Ubos na nga ang oras mo sa pagtunganga at kahihintay na umusad ang mga sasakyan, ang lagkit pa ng pakiramdam mo dahil sa natuyong pawis sa katawan.
Kung aware kayo sa operasyon ng LRT 1, siguradong naramdaman ninyo ang pagbuti ng serbisyo nito kaya nga nakakuha ito ng ISO certification 9001:2015 at 14001:2015 sa loob ng dalawang taon simula nang pangasiwaan ito ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) noong Setyembre 2015.
At dahil ito ang pinakaligtas na train line sa bansa, hindi nakapagtataka na pumalo sa mahigit 450,000 ang mga pasaherong sumasakay sa LRT 1 araw-araw.
Sabi nga ng mga pasahero, in good hands sila sa serbisyo ng LRT 1. Para po sa kaalaman ng ating mga kababayan, nag-effort nang sobra ang LRMC dahil kaligtasan at buhay ng mga pasahero ang nakasalalay sa kanilang operasyon.
Sa loob ng nakalipas na apat na taon, gumastos ang LRMC nang mahigit sa P1 bilyon para ayusin ang structural defects ng tren para masiguro na magiging matatag at ligtas ito sa panahon ng kalamidad tulad ng lindol o malakas na bagyo.
Pinalitan din ang parapets ng tren para maiwasan ang panganib dulot ng pagbagsak ng mga bitak ng semento. Umaabot sa P465 milyon ang ginugol ng LRMC para mapalitan ang 26km na riles sa kahabaan ng LRT 1.
Ang resulta: nagbunga ito nang mas banayad at higit na mabilis na biyahe para sa lahat. Tiniyak talaga ng pamunuan ng LRMC na hindi sasablay ang operasyon ng LRT 1 kaya nga gumastos pa sila ng P650 milyon para sa rehabilitasyon ng electrical sub-stations at ng mga luma at sirang bagon.
May ibang bagon pa nga na akala mo ay nasa loob ka ng isang library dahil sa disenyong mga libro na akala mo ay nakahilera sa book shelves.
Bukod dito, inayos din ang mga breaks ng tren pati na rin ang mga pintuan at airconditioning system nito kaya naman hindi ka mag-aamoy-araw kahit gabi na at pauwi na kayo sa inyong mga tahanan.
Akala ba ninyo ay nakatuon lang ang LRMC sa pagpapabuti ng kondisyon ng tren? Aba e kinompleto po ng LRMC ang rekado sa pagsasaayos sa operasyon ng LRT 1 at pati ang kanilang mga empleyado ay isinailalim sa pangkalahatang safety training course para ma-institutionalize ang safety policies and procedures sa pang-araw-araw na gawain sa traffic management, station operations, at train operations.
Kwidaw din diyan ang mga magtatangka ng masama dahil tiyak na mahahagip kayo sa karagdagang 560 CCTVs na naka-install sa mga estasyon at depot sa Baclaran.
O; di ba, mas malawak ang natatanaw ng mga security personnel sa mga pasilidad kaya maglubay diyan ang masasamang-loob na gumawa ng hindi maganda sa mga pasahero.
Salamat din sa epektibong pamamahala ng LRMC dahil sinikap talaga nilang madagdagdan ang bilang ng mga bumibiyaheng light rail vehicles (LRVs) o mga bagon.
Mula sa unang 77 bagon noong 2015, umaabot na ngayon sa 116 ang tumatakbong bagon sa LRT 1 kaya naman umiksi ang pila pagsakay ng tren at ang oras sa paghihintay ng mga pasahero.
Ang bilang ng minuto sa pagitan ng mga paparating na tren ay bumaba mula sa mahigit limang minuto hanggang sa kasalukuyang 3.5 minuto na lang.
Maaasahang schedule at mas maraming biyahe sa isang araw, saan pa ba tayo?
Pinahaba ang oras ng operasyon ng LRT 1 mula 4:30 am hanggang 10:15 pm sa buong weekdays kaya naman hindi ka kakabahan sa pag-uwi dahil mabilis ka rin namang makakarating sa bahay.
Plano pa pong ipatupad ng LRMC ang iba pang pagbabago tulad ng paglalagay ng wi-fi sa mga estasyon at pagpapabilis ng takbo ng tren mula 40 kph patungong 60 kph.
Kaganda hindi po ba? Kung wala kang load para makapag-text sa mga mahal ninyo sa buhay, to the rescue ang wi-fi sa tren para magawa ninyo ito.
Ang LRT 1 po ay tumatakbo mula Roosevelt station sa Quezon City hanggang Baclaran Station sa Pasay at dumaraan din sa mga lungsod ng Caloocan at Maynila.
Problema sa trapiko? Sagot po ‘yan ng LRT 1 kaya nga para sa isang tipikal na pasahero, hayahay ang buhay kung sa LRT 1 ka sasakay.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap