WALA nang mahihiling pa ang negosyante at travel and lifestyle host na si Cristina Decena.
“’Yung 2019 pagdating sa health okay naman, ‘yung health ng lahat ng mga anak ko okay naman.
“Pagdating sa business sobrang okay. Parang ito ‘yung pinakamagandang year ko pagdating sa pagnenegosyo.
“At saka ‘yung sa mga development ng kaso isipin mo naman na-ambush ako after six weeks bumalik lahat ‘yung mga title na nakuha sa akin ng mga land-grabbers, nabalik lahat.
“Na parang ‘yung cost of money mo, parang dumoble, nag-triple, kasi ‘yung halaga ng real estate, lumaki rin naman.
“So, bukod sa nawalan ako ng threat sa buhay dahil magkakasundo na kami, humingi na ng tawad, at least ‘yung kabuhayan, at saka ‘yung hard-earned money ng mga investor ko, at least maibabalik ko.”
May ilang taong nagkaroon ng atraso kay Cristina sa usapin ng lupa at pera pero maayos na ito, umabot pa nga ito sa pagtangkang pag-ambush sa kanya na nabaril ang kanyang sasakyan noong August 2013, pero maging ang tungkol dito ay naayos na rin.
“Nakiusap sila sa akin na kung maaari mag-amicable settlement. Ayos na pinatawad ko na sila, humingi sila ng tawad. Sabi ko, ang Diyos nga nagpapatawad ako pa kaya na tao lang, ‘di ba?
“So kung magpapatawad ako at least ‘yung lahat ng mga nakuha nila sa akin maibabalik, at kung ano rin ‘yung nakuha ko sa tao, maibabalik ko. Dahil domino effect ‘yan eh, ‘di ba? So ayos na kami.
“Tapos ‘yung pagdating naman sa negosyo, ‘yung mga anak ko sila na ‘yung…’yung isang anak ko siya ang nangangasiwa ng Belleza De Cristina Aesthetic Clinic. Iyon ang isa sa pinakamagandang business ko ngayon kasi maganda pala ‘yung mayroon kang isang anak na nakatutok doon.
“’Yung isang anak ko nagpakadalubhasa sa pagpapaganda, ‘yung bunso. Magaling maglagay ng eyebrows, magaling mag-ayos ng eyelid, basta lahat ng tungkol sa pagpapaganda. Kumukha siya ng Emdice.”
May peace of mind na si Cristina dahil less stress na dahil sa mga anak niya na nag-aasikaso ng mga negosyo niya.
“So nag-o-oversee na lang ako. ‘Yung isa naman nakatutok sa school, ‘yung school niya nagsimula sa isa, naging dalawa, tatlo, ngayon mag-aapat na.
“Nakakapagbigay ng magandang edukasyon sa mga bata. ‘Yung isa naman iyon ang nangangasiwa ng Signatures by Cristina, tapos ‘yung dalawang anak ko tapos na ng pagka-piloto.”
Parehong piloto sa high-end na Balesin resort ang dalawang anak ni Cristina, isang babae at isang lalaki; Cristina rin ang pangalan ng babaeng pilotong anak niya na isa ring blogger at businesswoman.
Sobrang relaxed na si Cristina ngayon.
“’Yung aking pangako sa buhay ko na magreretiro ako by 2020, matutupad na.”
Pero paglilinaw ni Cristina, hindi naman siya tuluyang hihinto na sa pagtatrabaho.
“Hindi na ako magiging sobrang busy, siguro kung gagawa ako ng bahay, isang bahay na lang isang taon.”
“Kasi okay na eh, wala na akong dapat pang sobrang magsumikap dahil may pinag-aaral, wala na eh, okay na sila.”
May construction business din si Cristina at bukod dito ay may lifestyle/ travel show, ang The Good Life na napapanood sa Youtube twice a month.
“Ipakikita rito ‘yung mundong ginagalawan ko, na pagkatapos mag-asikaso ng negosyo, ito ‘yung totoong ako, rito ako pumupunta, eto ‘yung mga taong tinutulungan ko.”
Season break ang travel show ni Cristina na Business Flight na co-host niya si Venus Raj. Pansamantala ay may episode naman ng The Good Life na magiging guest co-host si Venus.
Rated R
ni Rommel Gonzales