HINDI natin maintindihan kung bakit ‘tila nagsusuntukan’ at ‘nag-aaway’ ang mga batayang inilatag ng kung sinomang ‘tumikada’ ng MIAA Memorandum Circular No. 27 hinggil sa mga nakalilitong patakaran sa parking area.
E talagang nakalilito kasi nga nagbabanggaan ang mga ideya at inilatag na basehan ng nasabing memorandum na nakatakda nang ipatupad sa unang araw ng Pebrero ngayong 2020.
Basahin natin base sa General provision ng Memorandum, “pursuant to Section 4 of Executive Order 903, the Manila International Airport Authority is required to provide facilities and services for the comfort and convenience of all airport users.”
Pero sinasabi rin sa Memo na: “MIAA shall provide car parking facilities to all airport users through efficient and effective allocations of parking spaces to meet the current requirements of the public and maximize its usage.
Sino ba ang tinutukoy na “public” sa memo? Ang mga empleyado ba ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na nagtatrabaho sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay hindi kabilang sa publiko na gumagamit ng mga pasilidad ng airport at hindi ba sila mga taxpayer?!
Basa pa po: MIAA will reserve a certain number of parking spaces for NAIA employees who drive company or private vehicles in going to work. There will be no specific parking slot assignment to any individual availing of the parking area privilege, but the parking slot assignment shall be on FIRST COME FIRST SERVE BASIS ONLY, with a maximum ten (10) hours utilization thereof.
Tanong po ulit: Sa nasabing MIAA memorandum, base sa kanilang definition of terms, sila ay mangongolekta ng P350 monthly fee para sa government workers, habang P700 sa private entities. Pero dahil FIRST COME FIRST SERVE BASIS ONLY, lumalabas na kahit magbayad ng parking fees ay walang garantiya na makakukuha ng parking kapag kailangan ng empleyadong may sasakyan.
Hindi pa natin nalilimutan ang sinabi ni Mr. Geoffrey Goco, ng MIAA Concessions, “the public will be allowed to use the NAIA employees parking area.”
Kailangan daw iprayoridad ang publiko. E ano ba ang tingin ng MIAA sa mga empleyado o kawani na pumapasok sa NAIA, hindi ba sila kabilang sa ‘publikong; sinasabi nila? Ang mga emplayado bang nagtatrabaho sa NAIA ay hindi nagbabayad ng buwis?
Nalilimutan yata ni Mr. Geoffrey Goco na ang mga empleyado o kawaning pumapasok sa NAIA ay nagtatrabaho nang labis sa regular office hours na 8:00 am hanggang 5:00 pm. Nagre-report sa trabaho kahit weekend, holidays, kahit may bagyo, may volcano eruptions, at kahit may lindol, dahil kailangan nilang tumugon sa pangangilangan ng publiko.
Kaya kung hindi pahahalagahan ng MIAA ang mga empleyado o kawaning nagtatrabaho sa NAIA, nangangahulugan din ito ng pagbagsak ng kalidad ng serbisyo ng MIAA sa publiko.
Sabi nga, dapat pahalagahan ang mga empelyado at kawani lalo na ‘yung ang trabaho ay tumutugon sa pangangailangan ng publiko. Dahil ang kanilang mabuting serbisyo ay naghihikayat sa publiko na tangkilin ang serbisyo ng pamahalaan.
Kaya kung hindi sila itatrato nang tama, tatagos ito sa serbisyo nila sa publiko na nagyayaot sa NAIA. Uulitin lang natin, ang mga nagtatrabaho sa NAIA ay kabilang din sa sinasabi ninyong taxpayers.
Kailangan bang isakripisyo ng MIAA ang kapakanan ng mga empleyado sa loob ng NAIA para makalikom ng malaking kita mula sa public parking users habang ang serbisyo sa loob ng paliparan ay bumabagsak ang kalidad?!
Wattafak!
O sila ay magkakaloob ng mas malaking espasyo para sa parking area gaya ng mandato ng MIAA base sa
General provision ng MIAA Memorandum Circular No. 27 nang hindi isinasakripisyo ang NAIA employees upang makapagserbisyo nang maayos sa publiko?!
Isang tanong lang po ulit: May quota bang itinatakda ang subcontractor na humahawak sa parking management ng MIAA kaya ‘napipilitan’ silang bawasan ang alokasyon ng parking space para sa mga empleyado ng NAIA?
Heto pa: Sa kanilang Statement of Policies number 11, nililimitahan nito ang parking para sa mga empleyado ng NAIA hanggang 10 oras, at magbabayad ng karagdagang P15 kada dagdag na oras.
Ipaalala lang natin: kung maulit ang insidente ng Xiamen airplane noong Agosto 2018 na ang airport employees ay kailangang tugunan ang pangangailangan ng publiko, sisingilin ba ng MIAA ng karagdagang bayad ang mga empleyadong humigit sa 10 oras ang paggamit sa parking, kahit siya ay nagserbisyo sa publiko?
Sa panahon ng kalamidad at hindi agad nakaalis ang empleyado dahil baha o malakas ang hangin o may daluyong, sisingilin ba ng MIAA ang sasakyan ng empleyado na pumarada nang labis sa 10 oras?
Hanggang ngayon ay hindi pa natin maintindihan ang Memorandum Circular No. 27 na ito ng MIAA.
Ano ba talaga ang layunin nito?!
Pahirapan ang mga empleyado?!
Kapag nabasa kaya ng Malacañang ang Memorandum na ito’y hindi kaya mawindang ang Palasyo sa MIAA Concessions Management Division sa kanilang ‘special project on parking’ na lumalabas na “unfair and discriminatory” laban sa NAIA Employees kabilang na ang airline employees?
Pakisagot na nga po?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap