TATAMPUKAN ni Francine Garcia ang special episode ng Ipaglaban Mo ng ABS CBN na mapapanood sa January 25, pagkatapos ng It’s Showtime.
Kuwento ito ng isang transgender na ipinaglalaban ang kanyang karapatang mabuhay sa piniling seksuwalidad.
“Iyong episode namin sa Ipaglaban Mo is about paano lumalaban ang isang transgender para sa karapatan niya na mabuhay sa kasarian na pinili niya at magmahal nang normal bilang tao,” saad ni Francine.
Aniya, “I play the lead character na transgendered woman named Monique. Ang leading man ko is Mark Manicad, together with Ms. Isay Alvarez and Robert Seña. This is directed by Chiqui Lacsamana.”
Idinagdag ni Francine na nakare-relate siya sa ginampanang papel dito. ”Sobrang relate, kasi sinasalamin niya iyong normal na ipinaglalaban ng isang transwoman sa buhay, sa family, at sa pag-ibig,” matipid na sambit niya.
Ngayon ay almost nine years nang operada si Francine na sumailalim sa sex change noong June 6, 2011.
Siya ang itinanghal na 2013 Super Sireyna winner ng Eat Bulaga. Tapos nito ay lumabas siya sa Villa Quintana at iba pang TV shows. Sa pelikula naman ay napanood si Francine sa Quick Change, That Thing Called Tanga Na, Echorsis, at Born Beautiful.
Sa panayam namin kay Francine, binigyang-diin niyang wala siyang pinagsisihan sa ginawang pagpapa-opera. “Wala po, kasi hindi ko naman siya ginawa for sexual pleasures or anybody else, I just did it for me, for myself… para naman… girl… kasi iyon talaga ever since ang gusto kong maging,” esplika niya.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio