INIHAYAG na ang pinakamahuhusay at maniningning na mga artistang nominado sa 24th Asian TV Awards (ATA) na gaganapin sa Pilipinas sa unang pagkakataon sa Newport Performing Arts Theaters sa Resorts World Manila, Pasay simula Enero 10 hanggang 12, 2020.
Nakatanggap ng 20 nominasyon ang Pilipinas sa iba’t ibang kategorya, tulad ng Best Leading Male Performance– Digital (Martin Del Rosario sa teleseryeng Born Beautiful ng Cignal TV), Best Actress in a Leading Role (Julie Ann San Jose para sa animated series ng GMA-7 na Barangay 143).
Nominado rin ang mag news anchors na sina Cathy Yang at Cito Beltran para sa Best News Presenter or Anchor. Ilan din sa mga nakatanggap ng karangalan sa ATA ang mga iba’t ibang artista sa Asya, tulad nina Purim Rattanaruangwattana at Attaphan Poonsawat ng Thailand na nominado bilang Best Actor in a Supporting Role; ang mga Taiwanese na sina Teo at William Hsieh, parehong nominado bilang Best Actor in a Leading Role; at Kim Hye-Ja na may nominasyon sa kategoryang Best Actress in a Leading Role.
Ang mga magwawagi sa ATA ay ipahahayag sa Award Ceremonies na gaganapin sa Enero 10 at Enero 11, 2020. Sina Mark Neumann at Cathy Yang ang magho-host sa pagdiriwang, kasama ang Thai model actress na si Ase Wang at ang Singaporean na si Wallace Ang. Magkakaroon ng red carpet event sa pangalawang araw ng ATA na inaasahan ang daan-daang mga artista na dadalo. Isang konsiyerto naman ang magtatapos sa pagdiriwang sa Enero 12, 2020 na ang Indonesian singer na si Anggun ang mangunguna kasama sina Martin Nievera, Kris Lawrence, 4th Impact, at Morisette.
Para makita ang kopletong listahan ng mga nominado sa 24th Asian TV Awards, pumunta lamang sa kanilang website: https://www.asiantvawards.com/nominees/2019-nominees.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio