HUMAKOT ng awards sa nagdaang Metro Manila Film Festival ang pelikulang Mindanao na tinatampukan nina Judy Ann Santos at Allen Dizon, at mula sa pamamahala ni Direk Brillante Mendoza. Take note, major awards ang nakuha ng pelikulang ito.
Sa kabuuan ay 11 awards ang nakuha ng Mindanao, kabilang dito ang Best Actress (Judy Ann), Best Actor (Allen Dizon), Best Director (Direk Brillante) at Best Picture. Wagi rin ang Mindanao ng Best Child Performer (Yuna Tangod), Best Float, Best Sound, Best Visual Effects, Gender Sensitivity Award, Gat Puno Antonio Villegas Cultural Award, at FPJ Memorial Award.
Si Juday ay favorite talaga ritong manalo as Best Actress dahil bago ang 45th MMFF ay nagwagi siyang Best Actress sa Cairo International Film Festival. Sa Best Actor naman, sina Aga Muhlach ng pelikulang (Miracle In Cell No.7) at Allen ang sinasabing mahigpit na magkalaban.
Definitely, mas nagustuhan ng mga hurado ng MMFF ang performance ni Allen na ginamit ang technique ni Direk Brillante na no-acting acting. Kumbaga, mas gusto kasi ni Direk Brillante na natural ang pag-arte ng mga artista sa kanyang pelikula.
Kabilang sa highlight ni Allen dito ang pagkamatay ng kanyang kaibigan habang lumalaban sila sa gera at ang pagyao ng anak nilang may sakit na cancer. Iba ang ipinakitang emosyon at atake rito ni Allen na wala siyang paki kahit tumulo pa ang kanyang uhog.
Tama ang sabi ni katotong Roldan Castro na hindi na kuwestiyonable kung nanalo si Allen dahil kahit sa ibang bansa ay kinikilala ang husay niya at ang kanyang natural na pag-arte. Sa totoo lang, wala nang dapat patunayan si Allen pagdating sa acting awards dahil sa ngayon ay nakakuha na siya ng 35 acting trophies kabilang dito ang Gawad Urian, nine (9) international Best Actor, including ang A-List Best Actor niya sa Warsaw Film Festival.
Aminado si Allen na hindi niya ine-expect na manalo rito. Ibinahagi rin ni Allen kina Aga, Rocco Nacino, at iba pang co-nominees ang napanalunang award dito at sinabing umaasa siyang ang mga curious moviegoer ay manonood ng kanilang pelikula. “Kasi iyong mga gusto pang manood, wala silang mapuntahan na mga sinehan. So, sana, dagdagan nila iyong mga sinehan,” saad ni Allen.
Sa Mindanao, gumaganap si Allen bilang si Malang Datu Palo, isang sundalo na medic din. Dito, habang nasa gitna siya ng digmaan, ang asawa niyang si Judy Ann as Saima ay nakikipaglaban din dahil may cancer ang anak nila at gagawin niya ang lahat para maibsan ang paghihirap nito sa kanyang karamdaman.
Sana ay madagdagan pa nga ang mga sinehan ng pelikulang Mindanao para mas marami pa ang makapanood nito.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio