NAKALULUNGKOT pero masarap mapanood ang pelikulang Culion dahil ipinaaalala sa atin na may isang isla ng mga buhay na patay. Mga taong pinagkaitan ng pagmamahal, ikinahiya, pinandirihan, at itinakwil.
Sila ang mga Filipinong nagkasakit ng ketong na itinapon sa isla ng Culion. Isang dagdag-kaalaman ang pelikulang ito na idinirehe ni Alvin Yapan na isinulat ni Ricky Lee at pinagbibidahan nina Iza Calzado, Jasmine Curtis-Smith, at Meryll Soriano. Kaalaman para sa mga hindi nakaalam na may ganitong isla, na ganoon pala karami ang naapektuhan ng sakit na iyon, na ganoon ang naging pagtrabaho sa kanila noon.
Naikukuwento na ito sa akin ng aking lola noon kaya naman interesado akong mapanood ang pelikulang ito.
Ipinakita nina Anna (Iza), Doris (Jasmine), at Ditas (Meryll) ang ilang kuwentong magpapa-antig ng ating damdamin. Si Anna na nagmahal at nagkaanak; si Doris na isang guro na nagkaroon ng isang malaking trahedya sa buhay; at si Ditas na nalayo sa minamahal.
As usual, nanggulat si John Lloyd Cruz na bagamat walang dialogue, pinalakpakan ng audience. Ilang minutong pagpapakita iyon sa actor na muling pinatunayan kung gaano pa rin kahusay umarte. John Lloyd is John Lloyd talaga! Napakahusay.
Tama ang tinuran ni Meryll, na mahalaga ang papel ni Lloydie lalo sa buhay ni Ditas.
Itinuring mang malas ang pagkakaroon ng ketong dahil sa pagkakalayo nila sa kanilang mga minamahal, iyon naman ang naging daan para hindi sila galawin ng mga Hapon. Kaya suwerte pa rin dahil sila ang naging kublihan ng mga walang sakit na ketong.
A must see movie ang Culion ngayong Metro Manila Film Festival na bahagi ng ating kasaysayan at Graded A ng Cinema Evaluation Board.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio