KINOMPIRMA mismo ni Rams David na sa December 29 ang huling episode na eere ang Sunday PinaSaya!
At para malinawan ang mga kung ano-anong naglalabasan tungkol sa pagtatapos sa ere ng Sunday musical variety show ay sinagot ni Rams ang mga katanungan namin sa kanya.
Ano ang unang naging reaksiyon ni Rams nang nalamang aalisin na nga ang SPS?
“Ano naman eh, parang… alam naman namin kasi it’s contract, contractual kasi ‘yung show.”
Talagang magtatapos na ang kontrata sa GMA ng SPS ngayong December, na blocktimer ang SPS sa Kapuso Network dahil produced ito ng APT Entertainment, Inc. na isa sa mga namumuno si Rams.
“So it’s a finished contract so, okay lang, hindi naman kami tinanggal, tinapos ‘yung kontrata. Umabot po kami ng four years and four months.”
Iyon ang talagang duration ng kontarata nila sa GMA?
“Yes iyon ‘yung latest, ikaapat na taon, na-extend pa kami ng ilang buwan.”
Consistent na mataas ang rating ng SPS, hindi ba sila nagulat na sa kabila ng tagumpay ng show ay aalisin pa rin?
“Siyempre it’s up to the network eh, kung ano ‘yung plano nila so, we respect their decision naman so okay lang naman. Happy kami na tumagal na kami ng ganoong maraming taon, at marami kaming napasaya.
“That’s important, eh! ‘Yung naibigay namin ‘yung maganda sa viewers.
“At saka tumatak sa kanila, na minsan sa buhay nating lahat sa Pilipinas, may isang ‘Sunday PinaSaya’ na lumabas sa television for four years or more than four years na nagpasaya sa kanila,” sinabi pa ni Rams.
RATED R
ni Rommel Gonzales