ANG pelikulang Mindanao ang isa sa ipinagmamalaki nang husto ng award-winning actior na si Allen Dizon. Tinatampukan nila ito ni Judy Ann Santos at mula sa pamamahla ni Direk Brillante Mendoza.
Ito’y official entry sa 45th Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa Pasko. Nakakuha rin ito ng Grade A sa Cinema Evaluation Board (CEB).
Sa Mindanao, gumaganap si Allen bilang si Malang Datu Palo, isang sundalo na medic din. Dito, habang nasa gitna siya ng digmaan, ang asawa niyang si Judy Ann as Saima ay nakikipaglaban din dahil may cancer ang anak nila at gagawin niya ang lahat para maibsan ang paghihirap nito sa kanyang karamdaman.
Ano ang masasabi niya kay Juday?
Sagot ni Allen, “Napaka-professional, napakagaling, napakasarap katrabaho, magaan siyang katrabaho. And lahat ng eksena namin, nakadadala siyang kaeksena, e. Kasi napaka-dramatic ng pelikula, napaka-dramatic ng mga eksena, so madadala ka sa kanya. Kasi ‘di ba sa acting, teamwork ‘yan e, ‘di ba? Kumbaga, pareho kayong naghuhugutan kung ano ‘yung sitwasyon.”
First time nilang nag-work ni Juday sa pelikulang ito, ano ang first impression niya sa aktres? “Siyempre ang una kong impression magaling siya, ‘tsaka sikat siya, Judy Ann Santos ‘yan. Alam kong kayang-kaya niya lahat ng eksena ‘di ba? So, alam kong ready siya sa lahat ng eksena.”
Paano niya pinaghandaan ang role rito bilang sundalo na may anak na may sakit na cancer? “Mahirap e, mahirap ‘yun kung ibabase mo sa totoong buhay, ang hirap ‘di ba? Pero siyempre dahil pelikula, so uunahin mo ‘yung bayan, e.
“So inuna ko ‘yung bayan kaysa anak ko na may sakit, sa asawa ko na siya lang mag-isa ang nag-aalaga sa anak namin… na ang asawa ko ay sobrang nag-aalala rin dahil anytime puwede kang mamatay sa giyera at ‘yung anak ko anytime ay puwede rin mamatay sa cancer. So ang hirap nang sitwasyon na ‘yun, ‘tsaka kung sa totoong buhay siguro, parang kung sa akin mangyari ‘yun, kung sundalo man ako, siguro uunahin ko muna ang pamilya ko, siguro para sa akin lang, ha.”
Sa kabila ng 34 acting awards kasama na ang Gawad Urian, nine (9) international Best Actor including ang A-List Best Actor niya sa Warsaw Film Festival, mas hinahangad ni Allen na kumita ang Mindanao at tangkilikin ng mga Filipino ang ipinagmamalaking pelikula.
“Masarap manalo ng acting award, pero iba rin ang pakiramdam na kumita sa takilya ang iyong pelikula. Palagay ko naman panonoorin nila ang Mindanao kasi, family drama at punong-puno ng puso ang pelikula. Pambata rin siya dahil sa animation tungkol kina Raja at Sulayman,” sambit ni Allen.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio