“OPEN naman kami sa aming relasyon, wala namang dapat itago!” Ito ang nasabi ni Maine Mendoza nang matanong siya kung bakit tila komportable na siyang i-share ang mga nangyayari o ukol sa relasyon nila ni Arjo Atayde.
Sa presscon ng Mission Unstapabol: The Don Identity, entry ng APT Entertainment Inc. sa Metro Manila Film Festival 2019, nakatutuwang very open nga siyang mag-share ng ukol sa kanila ni Arjo. Nariyang hinihila na siya para tapusin ang pakikipag-usap niya sa amin, pero itinuloy pa niya at sinabing, ”Teka lang, nag-eenjoy pa ako eh.”
Nasabi pa ni Maine na umaasa siyang magkaroon sila ng pagkakataong magkasama ni Arjo sa isang project. ”Sana po kasi mayroon siyang isinusulat na istorya at magpo-produce na rin naman siya.
“Ginagawa niya kasi iyon for the two of us, ‘yung story,” pambubuking ni Maine. Actually naikuwento na ito sa amin before ni Arjo na may isinusulat nga siya at hindi naman itinago ng actor na gusto niyang si Maine ang magbida roon.
Ukol naman sa hanggang ngayo’y hindi pa matapos-tapos na isyu ukol sa pakikipag-dinner niya sa pamilya ni Arjo na sinasabing edited ang picture, ito ang sinabi niya, ”Napag-usapan lang before kasi hindi na nasundan ‘yung na-meet ko ‘yung parents niya sa bahay nila. And nasakto pa na two movies ang ginagawa ko na nagse-segway ako. Nasabi ko kay Arjo na, ‘ito na may free time na, dinner na tayo,’” pagkaklaro ni Maine. O ayan malinaw na malinaw, talagang kasama siya sa dinner ng pamilya ni Arjo kamakailan.
Natanong din namin na na-meet at nakakausap ni Arjo ang mga kapatid niya. ”Ay opo, mas close pa nga sila ng kapatid ko kaysa akin. Ganoon po niya na-establish ang relationship sa mga kapatid ko.”
Ukol naman sa pamba-bash kay Sylvia Sanchez at sa pamilya ni Arjo, aminadong ikinalungkot iyon ni Maine. Aniya, ”Oo nga po eh,” sabay kibit-balikat.
Ang Mission Unstapabol:The Don Identity ay idinirehe ni Mike Tuviera at naka-sentro ang istorya kay master strategist na si Don Robert Fortun (Vic Sotto) na pinasama-sama ang isang grupo ng mga eksperto na makikilala bilang The Dons na kinabibilangan ng magician na si Zulueta (Pokwang), ang wrestler na si Johnson (Jake Cuenca), ang car racer na si Kikong (Jelson Bay), at ng misteryosang master computer hacker na si Donna (Maine). Gagawin nila ang pinakamalaking plano para makuha ang sikat at heavily guarded na Pearl of the Orient mula sa mga kamay ng manlilinlang na kapatid ni Don Robert na si Benjamin Fortun (Jose Manalo) at para ma-vindicate ang kanyang pangalan sa isang karumal-dumal na krimen na hindi niya ginawa.
Ang Mission Unstapabol: The Don Identity ay isa sa entry sa MMFF 2019 at mapapanood na simula December 25.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio