MASAYA si Joem Bascon sa pagkakasali ng kanilang pelikulang Culion sa 2019 Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa December 25. Mula sa pamamahala ni Direk Alvin Yapan, ito’y pinagbibidahan nina Iza Calzado, Meryll Soriano, at Jasmine Curtis-Smith.
Mula sa panulat ni Ricky Lee at prodyus ng iOptions Ventures Corp at Team MSB, ang Culion ay isang period film hinggil sa tatlong babaeng may Hansen’s disease mas kilala sa tawag na ketong na sina Anna (Iza), Ditas (Meryll) at Doris. Sila’y pinagbuklod ng kanilang mga karanasan sa buhay noong panahong ang nasabing sakit ay pinandidirihan pa.
Ang papel ni Joem sa pelikula ay si Kanor, isang mangingisda na matagal nang nakatira sa Culion, manliligaw siya ni Iza.
Ipinahayag ni Joem ang kagalakan na nakapasok ang Culion sa MMFF. “Siyempre, isang honor, isang privilege ang makapasok sa MMFF. Ang hirap na ngayong makapasok, hindi ba? Lagi namang mahirap, laging mayroon ‘yung sa selection committee… may hinahanap sila talagang theme, kaya mahirap, talaga.
“At least, sa Pasko, kasama ang Culion sa mga hinahanap nila ngayong taon para maipakita or i-showcase ang mga pelikula natin.”
Idiniin din ng aktor na normal lang ang ginawa niyang atake sa papel niya rito bilang taong may ketong. “Well, normal lang naman siya. Inilagay lang ‘yung prosthetics… iyon nga ‘yung sinasabi nila, kahit na mayroon kang Hansen’s disease, normal ka pa ring tao, e. Wala naman epekto talaga sa pakikitungo sa kapwa mo tao. At nagkakaroon lang talaga siya ng… nagiging mainit lang ‘yung kanilang pakiramdam dahil sa gamot na inilalagay sa kanila.
“Kaya, ‘di ba, sinasabi nilang maraming nagkakaroon ng anak sa Culion kasi very active ‘yung body nila. Kasi, iyon ‘yung cure nila na inilalagay.
“Noong unang panahon, ipinapasok talaga ang needle para mapatay ‘yung bacteria kung nasaan ‘yung sugat and then kumakalat sa buong katawan ‘yung init, so, nagiging active sila. Pero ngayon, may tablet na,” aniya.
Incidentally, dalawa ang entry ni Joem sa 2019 MMFF, ang Culion at ang Write About Love na parehong-pareho raw ang exposure niya. Nagpaalam naman daw si Joem na sasakay siya sa dalawang float, kumbaga, lalagari siya sa parade of Stars.
Kasama rin sa Culion sina Suzette Ranillo, Mark Liwag, Simon Ibarra, Lee O’Brian, Joel Saracho, Mai Fanglayan, Nico Locco, Yam Mercado, Upeng Fernandez, Erlinda Villalobos, Mayen Estanero, Aaron Concepcion, Nikko Delos Santos, Rex Lantano, Jay Garcia, Elle Velasco, Jack Love Falcis, at iba pa.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio