TINUTUKANG mabuti ni Coco Martin ang pre-production, pagpili ng cast, pagbuo ng kuwento, at pagtutok sa akting ng bawat artista ng pelikulang 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon kaya naman confident at no pressure siya sa ganda at kalidad ng entry nila ngayong taon sa Metro Manila Film Festival.
Si Coco rin kasi and producer, editor, at direktor bukod sa bida sa pelikula. Kasama niya rito sina Ai Ai delas Alas at ang Ultimate Star Jennylyn Mercado with Sam Milby, Carmi Martin, Joey Marquez at maraming-marami pang iba.
Nasabi ni Coco na hindi niya naiisip kung magna-number one sila o number 2 o 3 dahil, “mas excited kami, ‘yung mapanood nila ‘yung pinaghirapan namin.
“Kasi kung alam mong maganda ‘yung produkto mo, excited kang mapanood ‘yan ng mga tao, kasi alam mong makapagpapasaya ka.
“At saka ginagawa naman namin ito para sa inyong lahat, sa mga manonood. Unang-una napakahirap ng buhay ngayon, alam natin na talagang pinag-iipunan ng mga kababayan natin ang panonood nila ng sine.
“Kaya kailangang bigyan natin sila ng magandang pelikula ‘yung masasabi nilang sulit ‘yung ibinayad nila sa sinehan, ‘yung lalabas silang masaya at sasabihin nila na hindi nasayang ang pera at effort nila,” ani Coco.
Sa kabilang nbanda, tiniyak ni Ai Ai na hindi magsisisi ang publiko kapag nanood ng 3POL Trobol dahil, “Lalabas sila ng sinehan na masaya, nakangiti, tapos pag-uusapan nila, ang ganda-ganda ng movie kaysa naman ang maririnig mo, ‘ano ba ‘yan, ang pangit-pangit pala. Parang nabudol-budol tayo. Scammer pala.’
“So, tulad nga ng sinabi ni Baby Boy (tawag ni Ai Ai kay Coco), talagang pinaghirapan namin lahat ng eksena sa pelikula, hindi lang ng mga artista kundi buong production, as in lahat nagtulong-tulong para makabuo kami ng magandang movie para sa filmfest,” sambit pa ng Comedy Queen.
Ang pelikula ay ukol kay Apollo “Pol” Balbon (Coco), anak ng single mother na si Mary Balbon (Ai Ai). Bllang bodyguard ng Executive Director ng National Defense, naipit si Pol bilang major suspect sa pag-ambush ng kanyang boss.
Lingid sa kaalaman ng lahat, naisiwalat pa sa kanya ng kanyang boss ang mga katiwaliang nagaganap sa ahensiya bago ito namatay.
Habang pinaghahanap ng batas, kinailangang makalapit ni Pol sa anak ng kanyang boss na si Trina (Jennylyn) para masabi nito ang tungkol sa pagkamatay ng ama.
Pero mahirap makalapit sa dalaga dahil palaging nakadikit si Andrew (Sam Milby), anak ni Sen. Simon (Edu Manzano) ang utak sa nasabing murder case. Kaya napilitan si Pol na magpanggap bilang nawalay na half-sister ni Trina na si Paloma, para maproteksiyonan ang dalaga at ma-solve ang kaso.
Sa Dec. 25 na mapapanood ang 3POL Trobol mula sa CCM Film Production, na idinirehe ni Rodel Nacianceno a.k.a. Coco Martin.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio