IISA ang sinasabi ng mga nakapanood ng advance screening for the press ng Miracle in Cell No 7 kamakailan na ginawa sa VIP Parkway, ‘magaling sina Aga Muhlach at Xia Vigor, gayundin sina Joel Torre, Jojit Lorenzo, Mon Confiado, Soliman Cruz, at JC Santos.’
Wala kang itatapon sa kanila at talaga namang pinalakpakan ang mga eksena nila.
Ginagampanan ni Aga ang role ni Joselito, isang tatay na mentally challenge at napagbintangan sa isang krimen na hindi naman niya ginawa. Ikinulong si Aga dahil napagbintangang nanghalay at pinatay ang isang bata. Pero ang totoo, tinutulungan lamang niya iyon.
Mahusay din ang pagkakaganap ni Bela Padilla na nagtanggol sa kanyang ama para malinis ang pangalan.
Aminado si Aga na hindi niya alam kung paano iaarte ang isang amang abnormal na nag-aalaga sa isang batang anak. Pero maayos niyang nagampanan iyon at talaga namang muling hahangaan ang ipinakitang husay sa pag-arte ng aktor. Kaya nakatitiyak nang siya ang tatanghaling Best Actor sa Metro Manila Film Festival 2019.
Nakatutuwa ang pag-arteng tila bata ni Aga gayundin ang impit na hirap ng damdamin nang ihihiwalay na siya sa kanyang anak. Ramdam na ramdam ang bigat sa dibdib na nararamdaman ni Aga.
Maging ang batang si Xia ay napakagaling kaya tiyak ding mag-uuwi siya ng award.
Nanibago kami sa karakter ni JC na naiiba sa pangkaraniwan niyang ginagawa, ang boy next door. Pero pinatunayan niya rin ang pagiging mahusay na aktor bilang kasamahang preso ni Aga.
Sa kabuuan, maganda ang kuwento ng Miracle in Cell No 7 at nakabibilib na nakaisip ng ganitong klaseng kuwento ang mga Koreano.
Kung naiyak kayo sa Korean version nito, tiyak din sa Pinoy adaptation na Rated A ng Cinema Evaluation Board. Mapapanood na ang pelikulang ito simula December 25 handog ng Viva Films.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio