SA mediacon ng lahok na pelikula ng Viva Films sa darating na MMFF 2019, ang Miracle in Cell no. 7, na adaptation ng isang Korean movie, isa-isang tinanong ang mga bida sa pelikula kung anong himala ang naganap na sa mga buhay nila.
Ang nakilala sa pagiging kontrabidang si Mon Confiado na gumaganap sa katauhan ni Choi ay nagbahagi ng himalang dumating sa buhay niya. Isang bata!
“Wala naman akong anak. Kasi nga, noong kami ni Ynez (Veneracion), talagang ayaw ko ng anak, eh. Noong maghiwalay kami, nagkaroon na siya ng bagong karelasyon, nagka-anak. Si Kayla. And she turned my world around. Parang ako ang naging second Dad nito. Madalas kami nag-uusap. And kapag umaalis si Ynez, like ngayon may volleyball game sila ng friends niya, ako ang nagbabantay kay Kayla.
“Miracle para sa akin ‘yun kasi, ang daming nabag o sa buhay ko ng batang ‘yun. Tama, the child that could have been mine. Pero kami ni Ynez, we are more comfortable with our friendship now. Nagsasabihan pa rin naman kami ng mga nangyayari sa mga buhay namin.
“Kung kami pa rin sa dulo, hindi ko masasagot. Ngayon, wala naman akong girlfriend. Hindi ko nga iniisip. Eh, para na rin kasi akong may anak. Yes, kilala ko naman ang Dad ni Kayla (Toto Mangundadatu). Nag-meet naman na kami. Kaya naka-relate ako sa istorya nitong ‘Miracle…’ kasi tungkol sa pagmamahalan ng mag-ama. Angkop para sa Christmas Season!”
Simple lang ang pangako ng bidang si Aga Muhlach sa kanilang pelikula, “We won’t fail you!”
HARD TALK!
ni Pilar Mateo