EPEKTIBO ang pagganap ng mga bida ng pelikulang Write About Love, isang kakaibang romantic comedy starring Miles Ocampo, Rocco Nacino, Joem Bascon, at Yeng Constantino. Ito ang TBA Studios’ official entry sa 45th Metro Manila Film Festival (MMFF) na magsisimula sa December 25.
Sa aming maikling panayam kay Yeng, inusisa namin ang role niya sa pelikula.
Sagot ni Yeng, “Ako po ‘yung character na isinusulat nina Rocco ‘tsaka ni Miles, kami po ni Joem. Pero, sila (Miles at Rocco) may love story rin po rito sa movie. Nakakikilig din po sila rito.
“Iyong process nila, na kung paano nila isusulat ang isang pelikula, na ‘yung isa ay no boyfriend since birth tapos kailangan niyang sumulat ng isang romantic film. At iyong isa naman po ay indie na scriptwriter na medyo weird. So ‘yung sa kanila, (makikita) ‘yung conflict nilang dalawa at saka ‘yung kilig, ‘yung mystery ng relationship…
“Sa amin naman ni Joem, madrama po ang mga tagpo, e. So, baka tissue po ang kailangan ng manonood,” nakangiting wika ni Yeng.
Kargado ba sa kilig itong kanilang movie? ”Opo, ang cute… Parang ano, may cute na side, tapos may romantic na side na iyong para sa mga matagal nang in a relationship, tapos may part na para sa bagong love.”
Ayon sa singer/songwriter/actress, excited na siya sa darating na MMFF Parade of Stars. “Nakatutuwa po, I’m looking forward sa mga alikabok na lalanghapin natin, hahaha!
“Very excited, I know it’s going to be a tiring day, kasi po rati nag-float na rin ako roon sa pelikula nina Ms. Judy Ann, nakapapagod po talaga. Pero worth it naman po ‘pag nakita natin ‘yung saya ng mga kababayan natin na makita lang nila ang mga artista, happy na sila. Sobrang nakatutuwa po ‘yun. Kakayanin ko ‘yung pagod, iyon na ‘yung reward, ‘yung smile ng mga tao,” saad ni Yeng.
Ang pelikulang pinamahalaan ni Direk Crisanto B. Aquino ay may G-Rating (suitable for all audiences) sa MTRCB at B-Grading sa Cinema Evaluation Board. Ang official music soundtrack ng pelikula mula kay Yeng is now out via Star Music Philippines.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio