PROUD si Miles Ocampo na sa 22, ay ”No Boyfriend Since Birth” o NBSB kanyang status. Hindi niya ito ikinahihiya dahil katwiran ng dalaga, hindi pa talaga dumarating ang lalaking magpapatibok sa kanyang puso.
Pero iginiit niyang hindi siya tomboy. ”Wala lang boyfriend, tomboy na agad?!” wika nito nang makausap namin noong Lunes ng hapon sa Abe Restaurant sa Megamall bago ang premiere night ng kanilang entry sa Metro Manila Film Festival, ang Write About Love na idinirehe ni Crisanto Aquino handog ng TBA Productions.
“Alam niyo bakit ganoon ang mga tao ‘no? Kapag walang jowa, tomboy. Kalerky!”
Sinabi rin ng dalaga na hindi siya nape-pressure na magka-BF. ”Hindi naman. Hindi ko po alam bakit big deal ‘yun sa ibang tao. Pero for me kasi as of the moment, nae-enjoy ko po sarili ko. Mahilig po akong mag me-time talaga, ‘yung kakain ako mag-isa.”
Nang matanong kung anong tipo niyang Mr Right, nangingiti nitong sinabi na mala-Zanjoe Marudo at Sam Milby ang tipo niya. Ang dalawa kasi ang showbiz crush niya.
Ukol naman kay Hashtag McCoy de Leon na napabalitang nanligaw sa kanya, hindi niya maituturing na binasted ang binate.
“Simula pa lang kasi nagsabi na ako sa kanya kung ano ang desisyon ko. Hindi naman po basted na agad, kasi okay naman po kami na friends. Kasi kung babastedin mo, puputulin mo ‘yung friendship niyo, ‘di ba?” ani Miles.
Samantala, ang Write About Love ang kauna-unahang nagkaroon ng premiere night sa walong entries na kasali sa MMFF 2019. Isa kami sa nabigyan ng pagkakataong mapanood ito at masasabi naming may karapatan silang makasama sa Magic 8.
Bukod kay Miles, dumalo rin sa Write About Love premiere night sina Rocco Nacino at Yeng Constantino with their director Crisanto. Tanging si Joem Bascon ang wala sa advance screening. Naroon din siyempre ang mga big boss ng TBA Productions na sina CEO founder Fernando Ortigas at Eduardo Rocha and President Vincent Nebrida
Maganda ang istorya ng Write About Love na bagamat medyo nabagalan kami sa umpisa, naintindihan namin ang kakaibang atake ni Direk Cris sa pagbuo ng pelikula. Tama ang tinuran niyang magugulat ang audience sa magic ng tambalang Miles at Rocco.
Nakita rin sa pelikula ang sinabi noon ni Miles na bagamat magkaiba sila ng network ni Rocco, parang matagal na silang nagkatrabaho ng actor. Kaya naman kapang-kapa na nila ang isa’t isa kaya umangat pareho ang galing nila sa pag-arte.
Romcom ang Write About Love at bagay sa dalawa ang kanilang mga role bilang mga scriptwriter na kinailangang magkatrabaho para makabuo ng makatotohanang love story.
Nakakikilig ang mga pa-cute ni Rocco kay Miles na deadma naman ang aktres. Pero hindi puro pa-cute ang mapapanood, dahil may kakaibang twists ito sa bandang ending na tiyak magpapaiyak sa manonood. Kung ano ito, ‘yun ang dapat ninyong mapanood.
At siyempre, dapat ding batiin sa mahusay na pagganap sa kani-kanilang karakter sina Joem at Yeng na ginampanan ang mag-asawang dumaan sa iba’t ibang pagsubok.
Kahanga-hanga ang eksena ni Joem na nag-breakdown siya sa movie. Pinalakpakan ang eksenang iyon na pinipigil ang pag-iyak habang kinakantahan ni Yeng. Ang sakit sa dibdib, ‘ika nga dahil ramdam mo ang hirap ng kanyang nararamdaman.
Ang Write About Love ay handog ng TBA Studios, na siyang producer ng mga kalidad ng pelikulang tulad ng Goyo: Ang Batang Heneral, Birdshot, at Heneral Luna.
Kaya huwag palalampasing hindi mapanood ang Write About Love sa Dec. 25 dahil isa ito sa karapat-dapat mapanood.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio