ESPESYAL ang gaganaping 37TH Luna Awards sa Nobyembre 30 dahil magaganap ito sa pagdiriwang ng sentenaryo ng Pelikulang Pilipino, dalawang klase ng tropeo ang igagawad, at nagsanib-puwersa sa unang pagkakataon ang Film Academy of the Philippines (FAP) at Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Magaganap ang Luna Awards Night sa Maybank Performing Arts Theater sa Bonifacio Global City, Taguig City. Inaasahang magiging star-studded ang 37th Luna Awards dahil dadaluhan ito ng mga beterano, batikan, at artista na pangungunahan nina FAP Director-General Vivian Velez at FDCP Chairperson at CEO Liza Diño.
Isang Philippine Cinema extravaganza ang magaganap din dahil sa mga musical performance at production number na pakaaabangan, kabilang ang tribute para kina Willy Cruz at George Canseco na parehong bahagi ng Luna Awards Hall of Fame. Natatangi rin ang listahan ng mga guest, performer, presenter, nominee, at awardee. Ang Luna Awards Night ay ididirehe ng mang-aawit at manunulat na si Ice Seguerra.
Sampung araw bago ang Luna Awards Night, nagsagawa ang FAP at FDCP ng Nominees’ Night noong Nobyembre 20 sa Delgado.112 restaurant. Sa Nominees’ Night ipinakilala ang mga nominado sa mga kasapi ng press, kinilala ang mga natatanging gawa ng mga nominado, at nagkaroon ng mas mabuting pakikipagkaibigan ang mga kasapi ng showbiz at industriya ng pelikula.
Ang awards night sa Nobyembre 30 ay isang strictly invitational at Black Tie Optional na kaganapan. Magsisimula ang Red Carpet Ceremonies ng 5:30 p.m.. Susundan ito ng Cocktail Reception ng 6:00 p.m. at magaganap ang Awards Ceremony ng 8:00 p.m.. Ipalalabas sa pamamagitan ng livestream ang Red Carpet at Awards Ceremony sa FDCP Facebook page (na may username na Film Development Council of the Philippines).
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio