ISANG true blooded Noranian ang recording artist na si Gari Escobar. Ibang klase ang loyalty niya sa nag-iisang Superstar na si La Aunor. Kaya sana ay suportahan din ang kanyang musical journey ng mga kapwa niya Noranian.
Saad ni Gari, “Bilang Noranian, ako po ‘yung loyalist talaga, na kahit malayo o malapit si ate Guy, solid ako sa kanya. Hindi ako humanap ng ibang artistang didikitan, hindi kasya sa puso ko ang dalawa, si ate Guy lang ang laman ng puso ko. Sa rami ng mga decision at down falls ni ate Guy, alam naman natin na minsan may mga tumatalikod sa kanya, pero hindi po ako ganoon.
“Naging close ako kay ate Guy, nagkaroon na rin kami ng tampohan pero hindi ko brinodkast (broadcast) ‘yun, dahil ang turing ko na sa kanya ay pamilya. Ayaw kong may nababasang negative write up about ate Guy, hindi ko ‘yun binibili. Hehehe. Hindi sila kikita sa akin ‘pag ganoon, dapat positive lang para masaya lahat.”
Aniya, “Ako ‘yung fan na ‘pag may project si ate Guy, tinetext blast ko sa lahat ng mga kaibigan at kamag-anak kong Noranians din. Nagplano pa ako noon with another Noranian friend na magtayo ng isang negosyo na may Nora Aunor theme. Kausap ko noon si Kuya Nori Sayo, kaya lang namatay ‘yung friend ko na siya sana ang magpi-finance ng project kaya hindi natuloy.
“Nilakasan ko ang loob ko na i-approach sa isang event si Suzette Ranillo, pati si Direk Elwood Perez, para maipakilala ako kay ate Guy sa tamang pagkakataon. Sa ngayon ay mga kaibigan ko pa rin sila, pati sina Direk Gil Portes, Direk Mario O’Hara, Direk Brillante Mendoza ay mga nakadaupang palad ko na dahil sa pagsubaybay ko kay ate Guy. Kahit noong nasa US pa siya, walang araw na hindi siya dumapo sa isip ko. Sobrang mahal ko si ate Guy.”
Pahabol niya, “Nakarating na rin ako sa condo ni Lotlot, nakaharap na rin ako ni Matet sa condo ni Lotlot. Kilala ako ni Ian, Kiko, at Kenneth dahil nagkasama na kami in the past sa isang company, pero matagal nang panahon po iyon.”
Anyway, si Gari ay isang license real estate broker na noong 1990s ay isa sa top brokers ng Moldesk Realty na every month ay tumatanggap ng recognition. Ngayon ay isinakatuparan na niya ang matagal nang pangarap na maging recording artist. Available na ngayon ang self-titled album ni Gari mula Ivory Music.
Ito ay mayroong 12 cuts na kinabibilangan ng mga awiting Baguio, Dito Sa Piling Ko, Tama Na, Habang Nandito Pa Ako, From Friends to Lovers, Hanap Ko Pa Rin, Ayoko na Sayo, Ayaw Kong Makita Ka, Hindi Ka Na Muling Mag-iisa, Isang Halik Pa, Masisisi Mo Ba, at Lumaban Ka na karamihan ay siya mismo ang sumulat.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio