HINDI namin inaasahang mae-enjoy at magugustuhan ang Kings of Reality Shows movie na pinagbibidahan ng comic duo na sina Ariel Villasanta at Maverick Relova.
Taglay pa rin kasi nina Ariel at Maverick ang talento sa pagpapatawa kaya naman tawanan to the max ang nangyaring advance screening na isinagawa sa UP Film Theater. Pero wait, hindi lang tawanan ha, naiyak pa kami sa bandang dulo. Kung bakit, ‘yun ang dapat n’yong alamin kaya watch na kayo sa mga sinehan na palabas na sa Nov. 27 nationwide mula sa Solar Films at Lion’s Faith Production.
Nanghihinayang kami sa talento nina Ariel at Maverick at looking forward kami na sa pamamagitan ng Kings of Reality Shows ay may kumuha sa kanilang network para bigyan ng show.
Sa totoo lang, akala ko’y mababagot ako pero hindi pala. Magaling talaga silang komikero.
Napag-usapan nga naman na sana’y nakapag-Youtube noon sina Ariel at Maverick dahil tiyak super yaman na sila ngayon.
Mala-YT naman kasi ang dating ng pagpapatawa nila subalit dahil mas in noon ang telebisyon, ‘yun ang tinarget nila. At hindi naman sila nabigo dahil kinuha sila ng TV5 para i-showcase ang talento nila hanggang sa napunta sa GMA 7 at pagkaraan ay nabigyan ng pagkakataong makagawa ng pelikula.
Hindi nga lang sinuwerte o nagtuloy agad ang pelikula dahil nabimbin ito. Inabot ng 10 taon bago natapos ang pelikula dahil na rin sa ilang problema. Kasunod din nito ang pagtamlay ng kanilang career.
At after 10 years of struggle, nabuo ni Ariel ang pelikula. Ramdam namin ang passion ni Ariel sa pagbuo ng pelikula na siya ring nagdirehe, nag-produce, nagsulat, at nag-edit. Siya rin nga ang nagma-market at magbebenta sa publiko para kumita.
Sinabi na noon ni Ariel ang mga pinagdaanan nila ni Maverick nang simulan ang reality movie na ito 10 years ago with GMA Films. Isinanla niya ang kanyang bahay para mabili ang rights nito sa GMA para at maipalabas sa mga sinehan.
Mapapanood sa pelikula ang lahat ng hirap at sakripisyo ni Ariel at ng kanyang team para lang matapos ang proyekto, kabilang na ang paglapit at masasabing panlilimos ng tulong pinansiyal sa mga kilalang artista at politiko sa bansa.
Nag-solicit siya kina Jose Manalo, Coco Martin, Joey de Leon, Eddie Garcia (RIP), Mocha Uson hanggang kina Sen. Bato dela Rosa, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Bong Go, Mayor Isko Moreno, Mayor Sara Duterte at marami pang iba.
Nilapitan niya rin sina Sen. Antonio Trillanes at Pangulong Rodrigo Duterte. Kaya naman bago umpisahan ang screening, ipinagmalaki sa amin ni Ariel na mapapanood na “magkasama” ang magkakontrang senador at ang pangulo.
Lahat ng paglapit ni Ariel sa mga nabanggit namin ay mapapanood sa pelikula kaya kuwela. Pinaka-kuwela nga iyong kay Empoy at sa iba pang artista na may iniaabot siyang token bilang pasasalamat.
Hindi nasayang ang panahon namin para manood ng pelikula sa totoo lang dahil hindi lang kami na-entertain sa kuwento nito, na-inspire, at na-touch pa kami sa kabuuan ng pelikula.
Riot din ang special participation ng yumaong nanay ni Ariel sa pelikula na si Mommy Elvie na talagang agaw-eksena sa kanyang mga paandar. Grabe ang tawa namin sa eksena na niregaluhan siya ni Ariel ng macho dancer!
Abangan din ang pag-eksena ng American Idol finalist na si Jasmine Trias sa pelikula na naging mitsa kung bakit nag-away nang matindi sina Ariel at Maverick.
Ipakikita rin dito ang pagkakulong nila sa gayundin kung bakit inatake ng depresyon si Ariel kaya hindi na muna siya umuwi ng Pilipinas. Maging si Maverick ay hindi rin naging maganda ang naging epekto ng nangyari sa kanila sa pelikula. Ang malaki lang tanong ay bakit biglang nawala sa eksena si Maverick after ng epic fail Hollywood journey nila at hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapakita.
Ani Ariel kinokontak niya ang kaibigan pero hindi nila ito mahanap. Minsan nilang pinuntahan ito sa bahay nito kasama pa si Keempee de Leon subalit hindi sila binaba.
Samantala, sinuportahan si Ariel ng kanyang mga pamangking sina Keempee, Cheenee at Jocas de Leon. Showing na ang pelikula sa Nov 27 and pls panoorin po natin.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio