Friday , December 27 2024

Tinik ay malalim kapag naglakad nang matulin

ADELANTADO o masyadong nagmamadali si Marinduque congressman Lord Allan Jay Velasco.

Puwede rin tawaging segurista.

‘Yan ang ilang obserbasyon na nakalap natin sa isinagawang pagdiriwang kamakailan — ang 42nd birthday ni Marinduque congressman Velasco at ng kanyang misis na si Rowena sa San Juan nitong Lunes.

Siyempre pa, ang panauhing pandangal ay walang iba kundi ang Pangulong Rodrigo Duterte. Tila baga isang paalala sa ating lahat na malapit ang mga Velasco sa Pangulo. 

Ang kaso, mukhang nagsisisi na ngayon si Lord sa pag-imbita sa Pangulo dahil imbes luminaw ang kanyang plano na pumalit bilang Speaker ng Kamara, mukhang lumabo pa dahil sa mga sinabi ni Tatay Digong. 

 Ang buong akala siguro ni Lord ay pa-birthday na ng Pangulo sa kanya ang kompirmasyon sa term-sharing agreement nila ni Speaker Alan Peter Cayetano sa pagiging Speaker.

Kung inyong maaalala, sa “15-21”  term-sharing agreement na ang Pangulo ang nag-aproba at namagitan sa dalawang panig, si Cayetano ay uupo sa unang 15 buwan bilang Speaker, at pagkatapos ay si Lord naman sa huling 21 buwan ng 18th Congress. 

Pero walang magandang balita na dala ang Pangulo sa kanyang speech. Nang mapunta sa term-sharing ang usapan, ‘eto lang ang sinabi ng Pangulong Duterte: ”Kung iyan ang usapan, term-sharing, nasa inyo na ‘yan if the parties would honor.” 

Ang sabi  ng Pangulo sa mga congressman na imbitado ni Lord: “I am not forcing anybody to take a stand. It’s your choice because the agreement and the choice is yours. You can make or unmake the Speaker. (Hindi ko pinipilit ang sinuman na pumanig kaninuman. Karapatan ninyo ang pumili dahil ang kasunduan at ang pagpili ay nasasainyo. Kayo ang may kapangyarihan para mailulok o matanggal ang isang Speaker).”

Marahil ay tanging “Juskolord!” ang nasabi ni Lord nang marinig ang sinabi ng Pangulo. 

Paano na ngayon? Ang Pangulong Duterte na mismo ang nagsabi na nasa mga kongresista na ang pasya kung itutuloy pa o hindi ang term-sharing. Tila ba ang gustong sabihin ng Pangulo ay “Bahala ka na sa buhay mo!” 

Saan na ngayon pupulutin si Lord? 

Ang tingin ng karamihan ay mas pinapaboran ng Pangulong Digong ang magandang per­formance kaysa ang pagiging malapit sa kanya sa pagbibigay ng kanyang suporta, na nararapat lamang. Ang bansa at ang sambayanang Filipino nga naman ang makikinabang kung ang suporta niya ay ilalagak sa karapat-dapat dahil sa buti ng ipinakikitang pagsisilbi sa gobyerno, kaysa naman doon sa ang kalipikasyon lang ay pagiging malapit sa pamilyang Duterte. 

Ang may kasalanan lahat nito ay si Cayetano dahil sobrang ginalingan ang pagiging Speaker. Tingnan n’yo nga naman, sa unang dalawang buwan pa lang na pagiging Speaker, nakapagtala na si Cayetano ng pinakamataas na rating kompara sa mga dati niyang kapwa Speaker sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.

Ang trust rating ni Cayetano na 62% at approval rating na 64% ay masasabing record-high na ratings. Mas mataas pa ang ratings ni Cayetano kay Vice President Leni Robredo. Ngayon lang nangyari ito.

Bukod pa riyan, umani ng papuri si Cayetano mula sa mga kapwa niya kongresista dahil sa unang pagkakataon, bumango ang imahen ng Kamara sa publiko. 

Tuwang-tuwa at ipinagmalaki ng mga kapwa niya lider sa Kongreso, tulad nina House Majority Leader Martin Romualdez ang magandang rating ni Cayetano. Hindi nga naman makakukuha ng mataas na rating ang Speaker kung hindi inirerespeto at kinikilala ng publiko ang accomplishments ng Kamara. 

Sa panig naman ng Malacañang, walang duda na masaya sila sa performance ni Cayetano. Sa maikling panahon pa lang ng kanyang pagiging Speaker, naipasa ng Kamara ang mahahalagang panukalang batas tulad ng tax reform bills ng Pangulong Duterte. At higit sa lahat, naipasa rin ng Kamara ang national budget  para sa 2020 sa mabilis na panahon nang walang pork, walang ilegal na insertions at walang parking ng pondo.

Kaya naman maging si Cavite Congressman Piding Barzaga na presidente ng National Unity Party ay nagsabing baka hindi na kailangan pa ang term-sharing kapag ganito nang ganito ang ipinakikita ni Cayetano. Ituloy-tuloy na lang hanggang matapos ang 18th Congress. 

Ang buong akala siguro ni Lord ay makukuha niya sa pagiging malapit sa Pangulo ang hangad niyang maging Speaker kahit wala naman siyang ibubuga, ‘ika nga. Hindi pala nakukuha sa pa-birthday o pabinyag ang pagiging Speaker. 

Marami talaga ang nauunsiyaming plano dahil sa maling akala.

 Tsk tsk tsk…

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

 

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *