NANGARAP ang newcomer na si Bern Marzan na maging susi ng kanyang tagumpay ang pagkakahilig sa musika. Ngunit sa pag-abot ng kanyang mga pangarap sa buhay, nalaman niyang hindi pala ito ganoon kadali.
Pahayag niya, “Taong 1995 ako nagsimulang mangarap ngunit ‘di ko na lang itinuloy ang pangarap kong ito dahil alam ko na sa simula pa lang ay walang maniniwala sa akin. Hindi ko alam kung sa paanong paraan ko ito matutupad, hanggang dumating ang punto na makaranas ako na masabihan na wala akong future.
“Masakit man para sa akin, pero wala akong magagawa kundi tanggapin ang mga salitang galing sa nakatatanda. Tanggap ko naman po dahil ang pinagmulan ko ay lugar na tila walang pag-asa. Kaya lumuwas ako sa Maynila para hanapin ko ang pagkakataon na ibibigay ng panahon at tadhana sa akin.”
Si Bern ay tubong Nueva Ejica at anak ng isang magsasaka. Pangarap niyang maibahagi ang kanyang musika sa madla. Dahil pursigido at bunsod ng kanyang pagmamahal sa musika, hindi niya sinukuan ang kanyang mithiing ito at nakalikha naman siya ng mga awitin.
“Sa dinanas kong hirap at lungkot, doon ako nakagawa ng awitin na gusto ko po sanang ibahagi sa inyo, ito po ang Darling, Dahil Ako’y Mahirap Lamang at Christian song na, Alay Sa ‘Yo Ang Buhay Ko, at marami pa pong iba.
“Kung papalarin po na ang compositions ko na maging bahagi ng music industry, malaking karangalan po para sa akin at alam ko po wala sa itsura at ganda ng boses ang labanan sa mundong ito, kundi sa pananalig sa Diyos para maging wagi sa ano mang larangan,” sambit ni Bern.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio