GANDANG-GANDA kami sa pelikulang Nuuk nina Aga Muhlach at Alice Dixson na idinirehe ni Veronica Velasco handog ng Viva Films. Maganda kasi ang pagkakalahad ng istorya. Malinaw at interesting.
Isang suspense-thriller ang pelikulang Nuuk na kinunan sa Greenland. Kaya naman talagang kailangang tutukan ito mula umpisa hanggang huli para mas ma-appreciate mong mabuti ang takbo ng istorya.
Medyo may kabigatan ang tema ng istorya lalo’t tumatalakay sa suicide. Tamang-tama ang lokasyon, isang bansang nababalot sa nyebe na malamig, malabo, puno ng misteryo. Mataas din daw ang suicide rate sa Nuuk, Greenland dahil sa sobrang lamig ng klima at pagkakahiwalay sa ibang mga bansa. Tulad ng pagkatao ni Aga, si Mark Alvarez, nababalot sa misteryo ang buo niyang pagkatao.
Sa una’y aakalaing pelikula ni Alice ang Nuuk dahil naka-focus sa kanya ang istorya na namatayan ng asawa at iniwan ng nag-iisang anak dahil hindi sila magkasundo. Nag-self-pity si Alice (Elaisa) dahil sa sobrang kalungkutan na kinailangan ng tulong ng pills para makatulog. Hanggang sa hindi namalayang, magiging dahilan ng isang aksidenteng muntik kumitil ng kanyang buhay, mabuti na lamang at dumating sa kanyang buhay si Mark.
Magaling si Alice lalo na roon sa breakdown scene niya. Pang-best actress nga ang acting niya, sabi rin ng mga katoto sa panulat.
Samantala, ang akala nami’y nakasuporta lamang na Aga’y biglang humugot at nagpakita ng kakaibang arte. Rito naman kasi mapupuri si Aga, magaling siyang magpakita ng iba’t ibang klase ng arte. May ibubuga pa talaga ang isang Aga Muhlach.
Interesting ang ending ng Nuuk at tiyak mapapapalakpak kayo.
PG-13 ang Nuuk at palabas na sa mga sinehan simula ngayong araw.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio