ISANG masilang showbiz ang nasaksihan ng publiko ng mga nakaraang araw.
Namumutiktik ang mga pahina ng mga diyaryo ng mga kaganapan sa burol ng Barretto patriarch (Daddy Mike kung tawagin). At sa bawat gabi ng burol ay nadaragdagan pa ang mga eksena na akala ng lahat ay mga tagpo sa teleserye pero nangyayari rin pala sa tunay na buhay.
Sulatin mo kung ano ang nangyari halimbawa ngayong gabi, tiyak na paso o panis na ito kinabukasan dahil may panibago nang naganap and the funeral nights thereafter.
Nag-iiba-iba man ang eksena, pero tumataas ang intensity nito tampok ang pare-parehong cast of characters sa kanilang walang-kamatayan at ayaw paawat na komprontasyon na hindi inensayo ang mga linya.
Mahihiya nga ang alinmang fictional drama sa telebisyon o sa pelikula involving feuding members of the family dahil sa tindi ng away ng mga magkakapatid na Barretto, isama pa ang isa nilang pamangkin na nakisahog na rin sa isang okasyon na dapat sana’y binigyang respeto alang-alang sa namayapa.
Tapos na ang mga gabing ‘yon na—sa aminin man ng mga tao o tauhang sangkot doon—lalo pang nag-iwan ng pangit na impresyon sa mata ng publiko.
Hindi na lingid sa kaalaman ng publiko na wari’y watak-watak ang pamilyang ito. Pero hindi inakala ng balana na ibubuyangyang nila ang kanilang alitan na parang entertainment na ito na kailangang pagpistahan.
Puwede naman muna silang magdeklara ng truce o ceasefire bilang respeto sa namayapa, at magbangayan uli ‘pag naihatid na ito sa kanyang huling hantungan.
But it wasn’t so.
Ang mas nakahihiya, the warring parties unknowingly involved the public na binigyan nila ng karapatang masilip ang dapat sana’y isang pribadong usapin.
As active as their social accounts, ang mga gabing burol na ‘yon ay ginawa nilang katumbas ng Facebook, Instagram, Twitter at kung ano-ano pang media platform put together para isapubliko ang kanilang mga asal o damdamin na parang ipinagyayabang pa.
Maanong nag-irapan o nag-isnaban na lang ang mga nagkakaalitang magkapatid sa burol. Pero hindi. Nagkaroon pa ng pisikalan na humantong sa pagbabanta at pagkalkal ng mga sarili nilang baho na natuklasan tuloy ni Aling Tacing.
Dati na namang may idea si Aling Tacing, na mahusay manghula kung sino ang mga nasa blind item. Pero dahil sila-sila na rin mismo ang nagbuko sa kanilang mga sarili, panatag na ang tulirong utak ni Aling Tacing sa kakahula.
Pero desmayado si Aling Tacing. Kahit kasi hindi siya mapera, Inglisera at ipinanganak na maganda, taglay niya ang kagandahang-asal lalo na sa isang okasyong dapat ipinaiiral ang respeto at kahihiyan.
HOT, AW!
ni Ronnie Carrasco III