NAGBAGO ang ikot ng mundo ni Janine Gutierrez noong Biyernes, October 18, dahil isa na siya ngayong Best Actress!
Winner si Janine sa QCinema International Film Festival na ang entry sa Asian Next Wave Competition ay ang Babae At Baril na pinagbibidahan ng Kapuso actress.
”Hindi po ako makapaniwala!
“Hindi ako nag-e-expect, wala akong anumang expectation, um-attend ako sa awards night to support the movie, sina direk, the whole production.
“Sobrang happy, sobrang thankful po ako sa mga taong naniwala, nagtiwala,. at nagbigay ng parangal na ito, as in super-thank you po!”
“At sobrang saya kasi pati si direk Rae (Red), nanalong Best Director,” ang bulalas pa ni Janine. Si Rae Red na direktor ng Babae at Baril ang itinanghal na Best Director sa gabi ng parangal.
Unang Best Actress award ito ni Janine.
“Kaya po sobrang importante po nito sa akin, kanina po noong nasa stage ako to accept the award, as in hindi ko po ma-explain kung gaano ako kasaya,” at natawa si Janine, ”as in sobrang saya ko po and sobrang grateful.
“Kaya maraming salamat po talaga for this award,” ang masayang-masayang sinabi pa ni Janine.
Nakuha rin ng Babae At Baril ang Gender Sensitivity Award.
Palabas pa rin sa mga sinehan hanggang October 22 ang Babae At Baril.
Samantala, bago ang awards night ay nakausap namin si Janine sa opening ng negosyo niyang nail spa na I DO Nails sa Ayala Malls The 30th sa Meralco Avenue sa Pasig City.
Tinanong namin si Janine kung ano ang expectation niya sa awards night bilang may entry siya sa film festival at isa siya sa mga strong contender para sa Best Actress award.
“Wala naman po, wala, mahirap mag-expect,” at tumawa ang Kapuso actress.
Ano ang nararamdaman ni Janine kapag napupuri palagi ang kanyang acting?
“Sobrang thankful po, super-super thankful kasi hindi ko inaasahan at saka lalo na noong premiere night nitong ‘Babae At Baril’ sobrang kinakabahan ako kasi hindi ko pa napapanood ‘yung pelikula bago ang premiere, wala akong kasiguraduhan kung maganda ba ‘yung ginawa ko.
“Pero sabi ni Mama okay kaya naniniwala ako kay Mama,” pagtukoy ni Janine sa ina niyang aktres na si Lotlot de Leon.
Isa si Janine sa mga versatile actresses ng GMA dahil kahit anong role ang ibigay sa kanya ay ginagawa niya; mapa-tweetums, drama, action o psycho thriller tulad ng role niya sa Babae At Baril.
“Ito talaga ‘yung pinangarap kong role. Si direk din ang nagsulat ng script and super-super ganda ng script. And ‘yung character na ‘to kasi, galing siya ng probinsiya wala pang masyadong alam sa Manila, very out-of-place, pero may mangyayari sa buhay niya na sobrang magkaka-conflict ‘yung character niya.
“And so for me actually parang dalawang character ‘yung kinailangan kong i-play dito.
“If anything medyo it reminds me a bit of Attorney Grace from ‘Legally Blind’ na talagang hindi magpapatalo, ipinakikita ‘yung power ng isang babae, pero this is like a whole other level so wala talaga akong character na quite like this one sa ‘Babae At Baril.’
“Maganda talaga ‘yung kuwento.
“Dapat siyang panoorin kasi I think in a way, lahat din tayo makaka-relate, na may mga nangyayari sa buhay natin na talagang nagpapa-iba sa pagkatao natin.
“Gustuhin man natin o hindi.
“It is something I’m super-passionate about also, women-empowerment especially for the youth. Kasi director namin, babae, DOP namin babae, producers namin babae.
“’Yung kuwento tungkol sa isang babae na hindi mo aakalain na kaya niyang gawin ang mga magagawa niya.
“So I think it’s a really important project especially considering everything that’s happening now.”
Rated R
ni Rommel Gonzales