KAKAIBA ang dedikasyon ni Doc Ramon Arnold Ramos sa kanyang propesyon bilang manggagamot. Ang pagpapahalaga niya sa ikabubuti ng mga pasyente ay walang katulad, in fact, nagka-ulcer siya noon dahil pati pagkain niya ay napabayaan sa pangangalaga sa kanyang mga pasyente. Aminado rin si Doc Ramon na estrikto bilang doctor sa kanyang mga nurse.
“Sa UP Diliman ako nag-pre-med ng Microbiology. Nag-College of Medicine ako sa Dela Salle University, then ‘yung residency, nag-Occupational Medicine ako sa New Zealand. So, pagbalik dito kinuha ako ng mga company at the same time ay pinatakbo ko iyong eskuwelahan na pag-aari ng aming pamilya, ‘yung Imus Institute of Science and Technology sa Cavite, 1954 pa iyan, kami ang unang eskuwelahan sa Cavite.
“Ang mga course roon ay kompleto, mayroon kaming Education, Accounting, HRM, Tourism, High School, at marami pa. Iyong mga courses na related sa TESDA ay mayroon na rin kami,” kuwento ni Doc Ramon.
Mayroon din siyang clinics sa Alabang, Cavite, at Manila, ang La Sallette Diagnostic Center na siya ang Medical Director. Bukod dito, si Doc Ramon ay Medical Consultant ng Denso Ten Philippines ng Kyoto, Japan. Bukod sa charitable works, madalas makibahagi o gumawa ng medical missions si Doc Ramon.
Makulay ang buhay niya, payag ba siyang ma-MMK ang kanyang life story? ”Ay oo, sinabihan nga ako ni Cardinal Tagle na ipasok daw sa MMK dahil alam ni Cardinal kung paano ako pinalaki. Maraming mapupulot na aral, pagsusumikap, kumayod kahit ganito ang buhay ninyo, huwag magmalaki, be down to earth. Maraming episode sa buhay ko ang madrama talaga
“Alam mo ba, valedictorian ako ng elementary, high school, scholar ako ng UP, lahat ng graduations ko ay hindi uma-attend ang tatay ko? Sagabal daw, mas maigi pa ‘yung pasyente niya, mas mahalaga raw ang pasyente niya. At nalaman kong totoo iyon nang naging doctor na ako,” saad ni Doc Ramon na tumanggap ng parangal kamakailan sa Philippine Elite Awards 2019, kasama si Ms. Baby Go.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio