PINAYOHAN ng Department of Trade and Industry -Bureau of Philippine Standards (DTI-BPS) ang publiko, lalo ang contractors, builders at mga may-ari ng hardware stores, na bumili lamang ng black iron and galvanized iron pipes (BI-GI) at tubes na nagtataglay ng kinakailangang marka ng Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) bilang paalalang pangkaligtasan.
Ito ay bahagi ng walang humpay na standards enforcement campaign at market monitoring ng DTI sa buong bansa sa loob ng pitong taon sa kabila ng paglaganap ng mura, ‘di sertipikado, substandard at puslit na tubong bakal na labis na nakaaapekto sa kita ng mga lehitimong manufacturers na may ISO-certified factories at PNS 26:2018-compliant na mga produkto.
Ang naturang manufacturers ay may libo-libong manggagawa na umaasa sa industriya sa kanilang ikabubuhay at nakapagpapalago ng ating ekonomiya.
Bilang bahagi ng kanyang kampanya para siguraduhin ang consumer safety, hinahanap at sinisita ng kagawaran ang mga establisiyementong nagbebenta ng uncertified, mababang uri o substandard na mga produktong nabanggit.
Bilang enforcement arm ng kagawaran, ang Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) sa pamamagitan ng Surveillance and Monitoring Division ay binabantayan ang mga presyo ng basic necessities at prime commodities at ang pagsunod sa Fair Trade Laws (FTLs) ng mga negosyo gayondin sa mga batas sa product standards bilang suporta sa Bureau of Philippine Standards (BPS).
Sinisiguro ng BPS na sinusunod ng naturang mga produkto ang napapanahong standards sa ilalim ng Mandatory Product Standard Certification Scheme.
Ang FTEB ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa DTI-Regional Operations Group (ROG), lalo sa provincial at regional areas para tiyakin na ang Product Standards na napapaloob sa Republic Act No. 4109), Labeling (Article 77 of Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines), ay mahigpit na naipatutupad sa merkado.
Sa ilang taon ngayon, nagsagawa ang kagawaran ng mga pagsalakay sa ilang factories at hardware stores sa buong bansa na may lamang uncertified black iron (B.I.) at galvanized iron (G.I.) steel pipes.
Kamakailan lang, sinalakay at sinamsam ng FTEB ang mga uncertified BI-GI pipes mula sa hardware stores sa Tabang, Guiguinto, Bulacan – 990 pieces mula sa Morning Light Steel Marketing at 110 pieces mula sa Golden Hardware Store, lahat unbranded at walang kaukulang Philippine Standard (PS) marks.
Itong mga tindahan ay inisyuhan ng Notice of Violations (NOVs) batay sa Republic Act No. 4109 o Philippine Standards Law, at RA 7394 o Consumer Act of the Philippines.
Hinimimok ang publiko na i-report sa FTEB ng kagawaran ang mga bodega na pinaglalagakan ng mga naturang produkto o ibinebenta sa hardware stores sa buong bansa upang magawan ng kaukulang hakbang para iyo’y samsamin.