PRODUKTO ng iba’t ibang male pageant si Amir Reyes, ang tinaguriang Race Car Driver ng Laguna at nagwagi noong Martes sa daily competition na MACHO MEN ng Eat Bulaga.
Naging part time theater actor si Amir at nasubukang lumabas sa mga teleserye bilang talent. Isa rin siyang ramp model sa taas na 5’10″ at 3rd year Marketing student sa San Pedro College of Business Administrations.
Ang pagsali sa Macho Men ang paraan niya para makapasok ng showbiz at hindi naman alintana ni Amir kung sumali siya sa mga ganitong pageant makamit lamang ang pangarap niya, ang maging artista.
“Lahat naman po kami ay pare-parehong nangangarap and the best way to achieve it, para sa akin, ay sumali sa mga ganitong contest para makita ako ng publiko at magkaroon ng magandang exposure sa TV,” ani Amir.
Tama naman si Amir dahil malaking tulong ang exposure niya sa Eat Bulaga. Ang lawak kaya ng naaabot ng EB at iba rin ang araw-araw kang nakikita sa telebisyon. Tiyak na marami na ang nakakakilala kay Amir dahil sa Eat Bulaga.
Ani Amir, ”Natatandaan ka kaagad ng tao at doon po ‘yon puwedeng magsimula, ‘yung unti-unti kang makilala.”
Malakas ang dating ng Macho Men contest ng EB. Katunayan, dapat ay sa maigsing panahon lamang tatakbo ang pakontes na ito subalit na-extend dahil sa rami ng contestant na gustong sumali.
Isa sa qualifications ng contestant ng Macho Men ay marunong sumayaw. Aminado si Amir na hindi siya marunong sumayaw, pero laking gulat namin nang makitang nakasasayaw na ito. Ang dahilan, isinasailalim na pala sila sa pagsasanay bago palabasin sa telebisyon. Ganoon kaalaga ang production ng Eat Bulaga. Siyempre gusto rin nilang well prepared ang kanilang mga contestant.
Nagtagumpay si Amir sa pagpapakita ng husay niya sa pagsayaw kaya naman siya ang itinanghal na winner sa daily round ng competition noong Lunes (Oct. 14).
“Hindi po talaga ako dancer, pero lahat naman ay puwedeng matutuhan. Nagulat din po ako sa sarili ko na kaya ko rin naman palang sumayaw. Nadadaan naman po pala ‘yon sa training,” paliwanag ni Amir na bread winner ng pamilya na kahit nag-aaral, ay nagwo-work din.
Sa Saturday (Oct. 19) ay makakaharap ni Amir ang iba pang daily winners ng Macho Men ng Eat Bulaga at umaasa siyang makalulusot.
“Sana po,” anang binata na tinaguriang “Race Car Driver’ ng Laguna.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio