NABIGONG makapasok ang mga pelikula nina Nora Aunor at Maricel Soriano, para makasama sa walong entries na bubuo para sa Metro Manila Film Festival 2019.
Ang pelikula ni Nora ay ang Isa Pang Bahaghari, isang family drama mula Heaven’s Best Entertainment samantalang ang kay Maricel naman ay ang The Heiress, isang horror, mula Regal Films.
Pinalad namang makapasok para makompleto ang listahan ng Magic 8 ang Mindanao, isang drama/animation, nina Judy Ann Santos at Allen Dizon na idinirehe ni Brillante Mendoza mula sa Center Stage Productions; Write About Love, isang romance, nina Rocco Nacino at Miles Ocampo na idinirehe ni Crisanto Aquino, mula TBA Studios; 3Pol Trobol Huli Ka Balbon, isang action film nina Coco Martin, Jennylyn Mercado, at Aiai delas Alas mula CCM Film Production na idinirehe ni Rodel Nacianceno; at Culion, isang historical, ni Alvin Yapan mula sa iOptions Ventures Corp. at pinagbibidahan nina Iza Calzado, Meryll Soriano, at Jasmine Curtis-Smith.
Nauna nang inihayag noong Hulyo ang unang apat na nakapasok sa MMFF 2019 na kinabibilangan ng Miracle in Cell #7, family drama ng Viva Communications, Inc. at pinagbibidahan nina Aga Muhlach, Zia Rigor, at Bela Padilla; Mission Unstapab: The Don Identity, comedy ng APT Entertainment, Inc/M-Zet Production at pinagbibidahan nina Vic Sotto at Maine Mendoza; Sunod, horror, ng TEN17P at pinagbibidahan ni Carmina Villaroel; at ang The Mall, The Marrier, fantasy/comedy ng ABS-CBN Film Productions, Inc. at Viva Films na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Anne Curtis.
Ito bale ang ika-45 anibersaryo ng MMFF kasabay ang pagdiriwang ng Centennial Celebration of Philippine Cinema.
Pinasalamatan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson, Danilo Lim, ang lahat ng nakiisa sa Metro Manila Film Festival 2019.
Aminado ang Chairperson na nahirapan ang Selection Committee na pinamumunuan ni National Artist Bienvenido Bienvenido Lumbera ang pagpili sa walo dahil pawang magaganda ang lahat ng entries.
“Talagang pinaghandaan, kaya magaganda lahat,” sambit ni Lim.
Uumpisahan ang MMFF 2019 sa pamamagitan ng Annual Parade of Stars sa December 22, Linggo, na sisimulan sa Taguig, samantalang mapapanood naman ang walong pelikulang kalahok sa MMFF 2019 simula December 25 hanggang January 7, 2020. Ang Gabi ng Parangal ay magaganap sa December 27, 2019 sa New Frontier Theater.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio