HINAHABOL ng kontrobersiya si Fr. Fernando Suarez.
Si Fr. Suarez ang pari na kilala sa kanyang healing ministry.
Pinakahuling kontrobersiya na kanyang kinasangkutan ang pagsasauli ng lupang donasyon ng San Miguel Corporation (SMC) sa Alfonso, Cavite, dahil hindi naitayo ang rebultong Monte Maria sa takdang panahon.
Ito ay sa ilalim ng Mary Mother of the Poor Foundation (MMPF) na pinamumunuan ni Suarez.
Kamakailan, pinagbawalan siya ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa Mindanao na makapagsagawa ng misa (healing mass) at pinahihingi muna ng “celebret” sa Obispong nakasasakop sa kanya bago makapagsagawa ng misa at healing mass na naaayon sa batas ng simbahan.
Hindi natin maikakaila na maraming naniniwala kay Fr. Suarez na siya ay nakagagaling. Pero lagi’t lagi na siya’y nasasabit sa kontrobersiya kaugnay ng mga proyekto at pondo ng mga organisasyon na kabilang siya sa instrumento kaya naitatayo.
Panahon na para maglabas ng opisyal na pahayag ang CBCP kaugnay ng mga kontrobersiyang kanyang kinasasangkutan. Nang sa gayon ay maging malinaw para sa lahat lalo sa mga naniniwala sa kanya.
Kung hindi naman ito totoo, dapat sigurong suportahan ng simbahang Katolika si Fr. Suarez. Nang sa gayon ay maitaguyod naman ang biyayang ipinagkaloob sa kanya — gaya ng kakayahang makapagpagaling.
Sa totoo lang, simbahan lang din ang makapagsasabi kung ano ba ang katatayuan ni Fr. Suarez sa kasalukuyan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap