MARAMI ang nagulat sa ipinalabas na teaser ng pelikulang Culion ni Direk Alvin Yapan, dahil sa katapusan nito ay lumitaw si John Lloyd Cruz.
Nang usisain ang producer nitong si Shandii Bacolod kung gaano kahaba ang partisipasyon ni Lloydie sa pelikula, ito ang kanyang sinabi:
“I can only say two things, number one, he plays a very important role in the film and number two, his role is connected to Meryll Soriano. For now iyon pa lang ang puwedeng sabihin,” esplika ni Shandii.
Idinagdag ni Shandii na hindi sila nahirapang kombinsihin si John Lloyd na sumali sa proyekto dahil nakatrabaho na niya ito noon sa isang short film na siya rin ang producer.
“So, mayroon na kaming work relationship as a producer. He’s also friends with so many of the cast and our assistant director. Hindi kami nahirapan to talk to him because of the people around,” sambit pa niya.
Ang paglabas ni Lloydie sa trailer ng Culion ay gumawa ng alingasngas dahil siya ang mas pinag-usapan at ang naging banner story sa ilang diyaryo at online sites, at hindi ang mga bida ritong sina Iza Calzado, Jasmine Curtis-Smith, at Meryll Soriano.
Anyway, umaasa ang mga nasa likod ng pelikulang ito na sila ay makapapasok sa 2019 Metro Manila Film Festival.
Mula sa panulat ni Ricky Lee at prodyus ng iOptions Ventures Corp at Team MSB, ang Culion ay isang period film hinggil sa tatlong babaeng may ketong na pinagbuklod ng kanilang mga karanasan sa buhay noong panahong ang nasabing sakit ay pinandidirihan.
Ang setting nito ay 1940s, itinuturing ang lugar bilang land of the living dead. Higit sa kuwento ng pakikibaka, makikita rito ang kuwento ng pag-asa, tapang at kakayahang magmahal at magsakripisyo ng mga taong sinubok ng tadhana.
Base sa pinag-usapang trailer nito, interesting ang pelikula at isa ito sa gusto kong mapanood sa December, sakaling makapasok sa MMFF 2019.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio