WALA raw natatalo sa eleksiyon sa Filipinas. Ang kandidato, mananalo o aangal na nadaya. Matagal na natin itong kasabihan, at pinatunayan na naman ni Bongbong Marcos nang maghain siya ng protesta laban sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo.
Matapos iproklama ng Kongreso bilang Bise Presidente si Robredo, kumaripas si Marcos sa Korte Suprema, na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal (PET), upang umangal laban sa nasabing pagwawagi.
Ani Marcos, natalo lang siya dahil nagkaroon ng malawakang dayaan noong 2016. Sa paghahain ng tatlong causes of action, agad nasopla ng Korte si Marcos sa kaniyang alegasyon na nagbabahid ng duda sa bisa ng certificates of canvass na ginamit ng Kongreso para iproklama si Robredo.
Ibinasura ng PET ang cause of action dahil aniya, wala itong patutunguhan.
Pinapili ni Bongbong ng Korte kung alin sa dalawang natitirang causes of action ang gusto niyang tahakin — kung magkakaroon ba ulit ng bilangan, o ang hindi kilalanin ang mga boto sa ARMM.
Pinili ni Marcos ang pangalawang cause of action, at dahil dito, inutusan siyang pangalanan ang tatlong probinsiya na magpapatunay na nadaya siya sa halalan.
Sa mga nakaraang buwan ay nakitang umuusad ang recount sa tatlong probinsya. Kamakailan lang ay nakakuha ng mga ulat na natapos na ang bilangan, at imbes patunayang tama si Marcos, ipinapakita ng mga numero na lumaki pa ang lamang ni Robredo.
Ang ulat ay naipasa na sa PET para pagpasyahan. Nitong nagdaang linggo, maugong ang balitang malapit na nga ang pagbababa ng desisyon sa resulta ng recount sa tatlong probinsiya.
Ang pagtitiyak nito, nanggaling na mismo kay Supreme Court Justice Lucas Bersamin.
Ngunit, tila nabitin ang lahat nang ianunsiyo ng tagapagsalita ng Korte na wala pang aksiyon ang mga mahistrado tungkol dito.
Ang tanong ngayon ng taongbayan: Ano ang pumipigil sa Korte Suprema? Kung lumabas sa bilangan na lumaki ang lamang ni Robredo, bakit hindi ibasura ng Korte ang kaso sa lalong madaling panahon, ayon rin sa sarili nitong mga panuntunan?
Ayon sa bulung-bulungan, pilit sinusubukan ng kampo ni Marcos na isalba ang naghihingalo nilang protesta, at pailalim na naghahanap ng paraan upang kombinsihin ang Korte na ituloy ang ikatlong cause of action, kahit hindi nila mapatunayan na nagkaroon nga ng dayaan noong halalan. Ito na marahil ang huling pag-asa ni Marcos upang hindi malaos at patuloy na magtawag ng atensiyon sa sarili.
Pero hindi nadaya si Marcos. Natalo siya — at matatalong muli dahil sa kawalan ng basehan ng kaniyang protesta.
Sa sunod-sunod na pagkatalong ito, marapat na sigurong palitan ang ibig sabihin ng BBM: hindi na Bongbong Marcos kundi Bye Bye Marcos.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap