MANANATILING Kapamilya si Jessy Mendiola dahil sa Sandugo. Nagkaroon kasi ng espekulasyong lilisanin ng aktres ang Kapamilya Network dahil sa parinig na post nito na tila iiwan na ang Dos.
Tatlong taon bago muling nabigyan ng regular teleserye si Jessy. Ang huli ay ang You’re My Home (2015) bago nasundan ng guest appearance sa FPJ’s Ang Probinsyano noong 2018 lamang.
After ng FPJAP, ngayon lamang muli siya nagkaroon ng regular teleserye kaya naman dahil sa Sandugo, mananatili na siya sa ABS-CBN, for now, anang aktres.
Sinabi ni Jessy na medyo late na nang ipasok siya sa Sandugo na pinagbibidahan nina Ejay Falcon at Aljur Abrenica.
“Medyo mahirap for me kasi buo na ‘yung story at ongoing na ‘yung taping nila noong pumasok ako.
“Nang i-explain sa akin ‘yung character ipinagdasal ko gray ang character na ibigay sa akin. Kasi gusto ko naman na kakaiba siya sa mga ginawa ko,” ani Jessy.
Sinabi pa ni Jessy na medyo nanibago siya dahil may katagalan nga ang hindi niya paggawa ng teleserye.
Ang Sandugo ay kuwento ng dalawang pamilyang pinagbuklod ng isang nakaraang sinira ng kahirapan na mapapanood na sa Kapamilya Gold simula ngayong Lunes (Setyembre 30).
Kasama rin dito sina Vina Morales, Ariel Rivera, Gardo Versoza, Elisse Joson, Jessy Mendiola, at Cherry Pie Picache.
Iikot ang bagong Dreamscape offering sa tila ‘di-mapaghiwalay na kambal na sina Julius Caesar at Aristotle, o JC at Aris, na kalauna’y magkakahiwalay dahil sa isang matinding pangangailan ng pamilya.
Sa kanilang paglaki, pamumunuan ni Aris ang isang malaking sindikato, habang isa nang NBI agent si JC na walang kaalam-alam sa kinahinatnan ng kanyang kambal.
Maghaharap ang dalawa sa magkabilang panig ng batas, nang hindi alam ang totoong pagkatao ng isa’t isa.
Ang Sandugo ay mula sa direksiyon nina Darnel Joy R. Villaflor at Ram Tolentino. Tampok din dito sina Arlene Muhlach, Cogie Domingo, Dido Dela Paz, Jeric Raval, Maika Rivera, Mark Lapid, Nanding Josef, Ali Abinal, Reign Parani, Karina Bautista, Aljon Mendoza, at Ogie Diaz.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio