LABIS ang kagalakan ni Direk Anthony Hernandez sa tagumpay ng red carpet premiere ng pelikula nilang Marineros, Men In The Middle of the Sea last Sunday. Hindi lang kasi isa, kundi sa tatlong sinehan sa SM Manila ito ginanap at punong-puno ang bawat sinehan nito.
Bukod sa nagandahan ang moviegoers sa istorya ng pelikula, marami ang pumuri sa husay ng mga nagsipagganap dito sa pangunguna nina Michael de Mesa, Ahron Villena, at pati na si Direk Anthony mismo na gumanap sa pelikula bilang si Marigold, na isang gay performer sa cruise ship.
“Sobrang happy po ako na tatlong cinemas po ang binuksan ng SM Manila para sa premiere night ng Marineros. Plus, nakatataba naman ng puso na nakita n’yo naman Tito, ang tawag sa akin ng mga nakapanood na ng movie ay Marigold.
“Nakita naman po natin ‘yung mga viewers talagang as in namamaga ang mga mata nila. Talaga pong na-touch sila sa mensahe ng pelikula,” nakangiting saad ni Direk Anthony
Bukod kina Michael, Ahron, at Direk Anthony, ang Marineros ay tinatampukan din nina Claire Ruiz, Valerie Concepcion, Jon Lucas, Jef Gaitan, Paul Hernandez, at iba pa. Ang pelikula na nagpapakita ng realidad ng buhay ng mga seaman at seafarer.
Aminado si Direk Anthony na ang pelikulang ito ay inspired sa buhay ng relatives at close friends na mga marinero sa tanker vessels, cargo ships, at cruise liners na kapupulutan ng aral ng moviegoers.
“Marineros is a passion film and we are confident that Marineros, men in the middle of the sea is a perfect eye opener for everyone. Ang movie na Marineros ay inaalay namin sa lahat ng seafarers at maging sa OFWs nating nagpapakahirap sa ibang bansa,” sambit ni Direk Anthony.
Bakit dapat panoorin ang Marineros?
“Dapat panoorin ang Marineros because rito ay tina-tackle iyong real life ng seafarers and also the family. Hindi lang seafarer, kasi makikita natin ‘yung values din ng movie na maging eye opener sa lahat hindi lang sa pamilya ng seafarer, maging sa mga estudyante, maging sa mga kaanak. Buong Filipinas o buong mundo dapat mapanood ang Marineros dahil isang magandang pelikula ito na magbubukas aral sa mga mamamayan,” wika ng prolific na advocacy director.
Nagpahayag naman ng kagalakan ang bida ritong veteran actor na si Michael matapos mapanood ang kanilang pelikula.
“Yes, first time kong napanood ito and happy ako sa movie. Kita mo naman ang reaction ng mga tao e, ‘yun ang mahalaga, ‘yung naging dating sa audience, happy ako roon.
“Iyong ending was really uplifting, e. After all the heartache noong umpisa, tapos nag-end in reconciliation and forgiveness. So happy ending talaga, sobrang nakaka-touch sa puso.
“Dito natin makikita sa movie iyong kahalagahan ng pamilya, iyong mga desisyon na ginagawa ng bawat tao para maitaguyod nang mabuti ang kanilang mga pamilya at ‘yung sacrifices that goes along with it,” pahayag ni Michael.
Pahabol pa niya, “Kaya iniimbitahan ko po ang lahat na panoorin at suportahan ang Marineros, siguradong magugustuhan n’yo po, salamat.”
Ang Marineros ay mula sa Golden Tiger Films at Premier Dream Productions. Mapapanood na ito sa mga sinehan ngayong araw, September 20, nationwide.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio