MASAYA ang newbie actor na si Paul Hernandez sa magandang pagtanggap ng moviegoers sa premiere night ng advocacy film ni Direk Anthony Hernandez na Marineros (Men In The Middle of the Sea). Punong-puno ng movigoers ang ginanap na red carpet screening nito sa tatlong sinehan sa SM Manila last Sunday.
“Sobrang saya ko sa pagtanggap ng moviegoers sa Marineros. Sobrang happy ako, kasi ‘yung viewers, parati silang may reaction sa mga scene, so para sa akin ay nagandahan sila sa pelikula at nagpapasalamat ako sa kanila at sa mga sumuporta sa amin,” saad ni Paul.
Dagdag niya, “This is my biggest break talaga sa movie, kaya sobrang thankful ako sa alalay ni direk Anthony, hindi niya ako pinabayaan. Dapat nilang panoorin ang pelikulang ito kasi marami silang mapupulot na lessons, like forgiveness, hope, sacrifice… Makare-relate rin dito ‘yung mga nagtatrabaho sa ibang bansa na may pamilyang naiwan dito, makare-relate sila.”
Si Paul ay gumaganap dito bilang si Kelvin Marisol, ang blacksheep ng pamilya at nagtatrabaho bilang waiter sa isang luxury liner.
Ang Marineros ay isang family-drama advocacy film na punong-puno ng inspirasyon at kapupulutan ng aral. Ang pelikula ay tribute rin sa seafarers at OFWs na malaki ang naiaambag sa ekonomya ng bansa.
Hatid ng Golden Tiger Films at Premier-Dreams Production Incorporated, pinagbibidahan ito ng veteran actor na si Michael de Mesa, with Ahron Villena, Valerie Concepcion, Jon Lucas, Jef Gaitan, Moses Loyola, at iba pa. Ang pelikula ay showing na sa September 20, nationwide.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio