PARA nga siguro magkaroon naman ng mapapanood na bago, sinasabi nila ngayon na may mga Hollywood actor na kukunin para lumabas sa Ang Probinsiyano ni Coco Martin. Mas tamang sabihin na iyan ay Probinsiyano ni Coco dahil malayo na iyan sa ginawa ni FPJ maliban sa titile.
Natural show nila iyan, kung ano man ang inaakala nilang makapagpapalakas ng show nila dahil apat na taon na iyan eh, magagawa nila. Hindi lang namin alam kung sino ang sinasabi nilang Hollywood actor. Kagaya kaya ni Brad Pitt, o Leonardo DiCaprio, o mga maliliit na artistang Kano lang? In the first place, wala na ngang Hollywood ngayon eh. Lahat ng pelikula nila, “off-Hollywood” movies na ang tawag.
Kung kami ang tatanungin, mayroon kaming objections diyan sa mga bagay na iyan. Una, napakarami nating mga artistang Filipino na walang trabaho. Bakit natin kukunin ang mga dayuhan eh kaya namang gawin ng mga Pinoy ang trabaho. Galit na galit tayo roon sa mga Tsino na pumapasok dito sa atin at nagtatrabaho sa off shore gambling, tapos magpapapasok tayo ng Kano roon sa trabahong kaya ng Pinoy? Isa pa, iyan bang mga artistang iyan ay may working visa sa Pilipinas? Nakahanda man lang ba silang magbayad ng equity sa pagta-trabaho nila rito?
Kung kukuha rin lang kayo ng mga jobless na Kano, ibigay na sana ninyo ang trabaho roon sa mga jobless na Pinoy.
Iyang ratings ng isang show, nakadepende iyan sa kung sino ang bida, at sa takbo ng istorya, hindi roon sa mga kinukuhang pampalabok lamang sa show. Maski sa pelikula nga ganyan noong araw eh, kukuha ng isang artistang hindi naman sikat, o kaya ay laos na. Tapos bobolahin tayo rito na isang malaking Hollywood star ang mapapanood. Huwag na lang.
HATAWAN
ni Ed de Leon