PAMPAMILYA, simple ang istorya, malinis, at higit sa lahat para sa mga Bisaya. Ito ang sinabi ni Suzette Ranillo kagabi sa premiere night ng nag-iisang Visayan movie na black and white at kalahok sa 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino, ang Pagbalik (Return).
First directorial job ni Suzette ang Pagbalik na nagtatampok sa kanyang inang si Ms. Gloria Sevilla at pamangking si Vince Ranillo.
Nagustuhan namin ang simpleng pagkakalahad ng istorya ukol sa inang kinailangang magtrabaho abroad (OFW) para matugunan ang pangangailangan ng anak na nag-aaral (Vince) at inang matanda na at maysakit (Gloria).
Dala ng katandaan, ipinakita ang pagiging ulianin ni Ms. Gloria gayundin ang pagiging bingi nito kaya naman nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng kanyang anak na si Suzette. Pero paglalambing lamang pala niya iyon dahil sa matagal nilang hindi pagsasama ng anak. Naipit din si Vince sa pangyayaring kinailangan niyang alagaan ang lola niya kaya pati pag-aaral ay napabayaan.
Nakatutuwa ang eksenang pagkasabik ni Ms. Gloria sa tsokolate na animo’y bata na gustong-gusto laging kumain ng tsokolate gayundin ng ice cream.
Cool ang istorya kahit nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mag-inang Suzette at Vince. Hindi sila iyong karaniwang napapanood na nagsisigawan. Usapang mahinahon ang ipinakita sa pelikula na anumang problema’y puwedeng maresolba sa maayos na usapan.
Hindi naman kami mapakali sa ibinubulong ng isa sa aming kolumnistang si Pilar Mateo habang nanonood kami ng Pagbalik. Aniya, parang napapanood niya si Nora Aunor dahil may pagkakahawig ang acting ni Suzette kay Ate Guy. At nang sipatin nga naming mabuti, napa-oo kami sa tinuran niya.
Sinabi ni Pilar ang obserbasyon niyang iyon kay Suzette at natawa na lamang ito.
Sa kabilang banda, nilinaw ni Suzette ang ukol sa post ni Direk Hubert Tibi. Ang pagpapatanggal ng pangalan niya sa pelikula bilang direktor.
Ani Suzette, iginagalang niya ang request ni Tibi na alisin ang pangalan niya at i-disassociate sa kanilang pelikula. “Siya ang nag-umpisa ng pelikula and hindi niya natapos. Kaya ako na ang nagtapos ng pelikula,” sambit ni Suzette.
Nang tanungin namin ang dahilan kung bakit hindi tinapos ni Tibi ang pelikula, ayaw nang pag-usapan pa iyon ng aktres. Ang mahalaga ay natapos nila ang pelikula at marami ang nagandahan sa kanyang first directorial job. Kaya naman hindi ito ang una at huling pagdidirehe ni Suzette.
Umaasa rin si Direk Suzette na magiging daan ang Pagbalik sa paggawa pa ng maraming Visayan movie.
At para sa amin, pasado si Suzette bilang direktor. Kaya Direk Suzette, asahan namin ang paggawa pa ng maraming pelikula
Mapapanood ang Pagbalik (Return) simula Sept. 13 sa mga sinehan nationwide na kasama rin si Allora Sasam.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio