TAMA ang naging desisyon naming mas panoorin ang The Panti Sisters noong Martes ng gabi, na pinagbibidahan nina Paolo Ballesteros, Martin del Rosario, at Christian Bables. Hindi lamang kami naaliw sa pelikulang idinirehe ni Jun Robles Lana, natuwa pa kami sa aral na hatid nito.
Sumakit ang aming panga sa katatawa sa The Panti Sisters. Noong Martes isinagawa ang advance screening ng walo sa 10 entries ng 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino, sa SM Megamall at SM North Edsa.
Mula umpisa hanggang katapusan, grabe ang pagpapatawang ginawa ng tatlong bida pero hindi nagpatalo si John Arcilla na may sariling moment.
Ang pelikula ay ukol sa tatlong magkakapatid na beki na para makuha ang kanilang mana na tig-P100-M, kailangan nilang bigyan ng apo ang kanilang amang si Don Emilio (John) na may sakit na kanser. Kaya kahit labag sa kalooban, ginawa ng tatlong magkakapatid ang lahat para makabuo ng bata. At ano pa ang inaasahan, siyempre riot ang mga eksenang ginawa ng tatlo.
Ang The Panti Sisters ay mapapanood simula September 13 to 19.
Hindi lang ang galing sa pagpapatawa nina Paolo, Martin, at Christian ang katutuwaan sa pelikula. Maging ang mga hitsura nila’y mapapa-wow tiyak ang manonood. Ang gaganda naman kasi talaga. Talo pa ang mga tunay na babae sa ganda ng hitsura at mga damit.
Sa kabilang banda, hindi lang naman puro kalokohan ang The Panti Sisters, may aral din ang pelikula, na hindi maipagpapalit ang kaligayahan sa pera. Na mahalagang nagkakasundo, nagkakaunawaan, at nagmamahalan ang isang pamilya.
Kasama rin sa pelikula sina Rosanna Roces, Carmi Martin, Joross Gamboa, at Roxanne Barcelo.
Kaya kung gusto ninyong matawa at maging masaya, manood na kayo ng The Panti Sisters at tiyak masisiyahan kayo kina Paolo, Martin, at Christian. Ang Panti Sisters ay handog ng Black Sheep, The IdeaFirst Company, at Quantum Films.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio