NAKIPAGPULONG ang pamunuan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso upang talakayin ang ilang usapin na kinasasangkutan ng ilang empleyado ng Manila City Hall at barangay officials na tiwali at sangkot sa droga.
Ayon kay Mayor Isko, sa kanilang pagpupulong ng PACC sa pangunguna ni Chairman Dante Jimenez sa Office of the Mayor, binigyan siya ng mga impormasyon hinggil sa iniimbestigahan nilang empleyado ng city hall at ilang barangay officials sa lungsod ng Maynila.
“They are facing abuse, too much discretion, going against existing laws and procedures, medyo maselan, kapag ‘yun napabayaan lalong gugulo ang mga tao sa Maynila lalo kung hindi naman sila tagarito,” ani Domagoso.
Ibinunyag din ng alkalde na ilan sa mga kawani at empleyado mg City Hall na iniimbestigahan ngayon ng PACC, ay kasalukuyan pa rin nagtatrabaho sa ilalim ng pamunuan ng alkalde.
Paliwanag ni Moreno, ang ginawang katiwalian ng nasabing mga empleyado at opisyal ay nangyari pa noong nakaraang administrasyon.
“They are still here, that is guaranteed by the Civil Service Commission, but they have done it in the past. PACC was fair enough telling us, giving us information that these was done in the recent history. They are still here as employees of Manila City Hall,” dagdag ng alkalde.
Sinabi ni Mayor Isko, mas masaya sana kung sa panahon niya ginawa ang pag-iimbestiga dahil agad niya itong masasawata.