ANIM na barangay ang masayang nagtipon kamakalawa ng umaga sa Caloocan city hall grounds upang tanggapin ang parangal ng mga barangay na pumasa sa pagsusuri ng Caloocan City Validation Team para sa Seal of Good Local Governance for Barangay (SGLGB).
Mainit na tinanggap ang nasabing parangal ng Barangays 67, 170, 176, 177, 178, at 182. Sila ang mga nakakuha ng pasadong marka mula sa Caloocan City Validation Team na kinabibilanggan ng Department of Interior and Local Governemnt (DILG), Liga ng mga Barangay, Barangay Secretariat, at Rotary Club-Kalookan North.
Personal na iginawad ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang parangal sa bawat barangay na tunay na humanga sa hindi matawarang serbisyong ibinibigay ng bawat barangay sa mga mamamayan ng nasabing lungsod.
“Siguradong patuloy ang pagsisilbi sa tungkulin para sa ikagaganda at ikauunlad ng Caloocan. Nawa’y ang natanggap na parangal ng anim na Barangay ay maging inspirasyon sa iba pang naglilingkod sa bayan ng Caloocan,” mensahe ni Mayor Oca. (ROMMEL SALES)