DESMAYADO ang Broadway Motor Sales Corporation dahil matapos ang mahigit 41 taon kontrata sa Nissan Philippines, Inc., bilang dealer ay biglang natapos ito sa isang iglap.
Ayon kay Leoncio Lei Yee, Jr., pangulo ng Broadway Motor Sales, tumupad ang kanilang kompanya sa kagustuhan ng Nissan Philippines na magkaroon ng “renovation” sa kanilang kompanya na ang kabuuang nagastos ay P28 milyon.
Pagkatapos nito ay tinapos ng Nissan Philippines ang kontrata sa Broadway Motor Sales.
‘Biglang namatay’ ang negosyo ng Broadway Motor Sales.
Kaya, masamang-masama ang loob ni Yee at ng kanyang mga kasamahan sa Broadway Motor Sales Corporation.
Dahil dito, nagsampa ng kaso ang Broadway Motor Sales laban sa Nissan Philippines ng kasong paglabag sa Revised Penal Code.
Ang mga eksaktong kinasuhan ay sina Ramesh Narasimhan (dating presidente at managing director ng Nissan Phils.), Jonathan Aguilar, Francis Ang, at Abner Briones sa Manila City Prosecutor’s Office.
Sa desisyon ng Manila City Prosecutor’s Office, may “probable cause” upang kasuhan ang Nissan Phils. dahil sa paglabag sa Artikulo 318 ng Revised Penal Code.
Wika ni Yee, nangangahulugang nakombinsi ang piskalya na lumabag ang Nissan Philippines sa Revised Penal Code ng bansa.
Kaya, iniakyat sa Manila Regional Trial Court ang kasong “other deceits” na kasong pasok sa Revised Penal Code na napunta sa Branch 30.
Kombinsido ang kampo ni Yee na mananalo sila sa kaso laban sa Nissan Philippines Corporation.
Babantayan natin ito.
Lotteng ni Bong S.
sa Rizal, ba’t ‘di kayang
gibain ni Col. Alba?
Kamakailan sinuspende ni Pangulong Duterte ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa bansa makaraang makarating sa kanya na may nangyayaring anomalya sa STL na pinatatakbo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa “closure order” nadamay ang ibang online gaming ng PCSO, isa rito ang lotto.
Nang madamay ang lotto, kung nakamamatay lang ang galit at pagmumura ni alyas Bong S., kilalang lotteng king ng buong Rizal Province, marahil ay dedo na ang ating Pangulo.
Galit na galit si alyas Bong S. sa Pangulo dahil nga sa pagkahinto ng lotto ay awtomatikong hinto rin ang operasyon ng kanyang ilegal na sugal – ang lotteng.
Oo, nahinto rin kasi ang operasyon ng lotteng ni alyas Bong S., kaya malaki raw ang nawala sa kanya.
Paano kasi, totoo bang kahit huminto ang lotteng ni alyas Bong S., hinihingian pa rin siya ng weekly intel ng ilang opisyal ng Rizal Provincial Police Office (PPO)?
Pero, makalipas ang ilang linggo, abot-tenga uli ang ngiti ni alyas Bong S. Bakit? Balik-operasyon na kasi ang kanyang lotteng hanggang ngayon.
Balik-operasyon ang lotteng ni alyas Bong S. makaraang bawiin ni Pangulo Duterte ang suspensiyon para sa operasyon ng lotto.
Kaya, nang balik-operasyon ang lotto, lumarga at muling namayagpag ang lotteng ni alyas Bong S. sa Rizal. Ngunit, gaano kaya katotoo na ang higit na natuwa sa pagkabuhay ng lotteng ay ilan sa kobrador ni alyas Bong S., dahil sa naisasabay uli nila sa pangungubra ang pagbebenta ng droga?
Totoo kaya ito?
Ngayon, ang tanong ba’t kaya, tameme si P/Col. Renato Alba, Rizal PPO Director, laban sa lotteng ni alyas Bong S.?
Ano sa tingin ninyo ang dahilan?
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan