KUMUSTA?
Alam mo ba na Pandaigdig na Taon ng mga Katutubong Wika ang 2019?
Idineklara ito ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) upang imulat ang lahat sa pangangailangang panatilihin, palakasin, at palaganapin ang mga katutubong wika.
Kaya nanawagan ang UNESCO sa mga pamahalaan, ahensiya, organisasyon, sambayanan, akademiya, pampubliko’t pribadong sektor, at iba pang entidad.
Isa nga sa mga tumugon dito ay ang ating Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Para sa Agosto, ginawa ng KWF — bilang paksa para sa Buwan ng Wikang Pambansa — ang Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.
Parang sanggang-dikit ang UNESCO at KWF sa pagdulog sa mga lingkod-bayan.
Kaya naman inumpisahan noon pa mang 29 Hulyo
ang simbolikong pagbubukas ng Buwan ng
Pambansang Wika — sa tulong ni Kgg. Isko Moreno — na dahil mahilig sa salita ay nakabuo na ng maituturing na “Iskonaryo.”
Bukod sa mga ehekutibong sangay, kinatok din ng KWF ang pinto’t pusong lehislatibo.
At nagpapasok ito sa eksibit na Filipino Ito! habang nakasalang ang Senate Bill 499 ni Senador Vicente Sotto na inaasahang maghahawan ng landas para sa mas makataong pagsisilbi sa bayan.
Makasaysayan ang 17 Agosto hindi lamang para sa Isabela kundi para sa buong bansa nang itinayo ang ika-16 na Bantayog-Wika sa ngalan ng mga Yogad.
Bukod dito, lampas na sa 40 Sentro ng Wika at Kultura ang nagpakulo ng tertulyang nakatuon sa katutubong wika.
Nasundan ito ng dalawang kumperensiya.
Una, ang Hasaan na pumanday sa mga tagasaling nagpalihan sa Sentro ng Salin at Aralin ng Salin ng Unibersidad ng Santo Tomas.
Ikalawa, ang Pambansang Kongreso na binuksan noong 19 Agosto, kaarawan mismo ni Pangulong Manuel Luis Quezon, hanggang noong 21 Agosto, ang araw ng kamatayan ni Sen. Benigno Aquino.
Pinalad tayong maanyayahan sa Lungsod Bacolod upang talakayin ang Tulang-Bayan sa harap ng higit 400 kalahok at kinatawan ng katutubong wika na naghain sa nasabing kongreso ang isang resolusyon.
Napagkasunduan na dapat tiyaking maaalagaan ang mga wika bilang pamanang kultural!
Ang pinakarurok ng pagtatampok sa wikang
Filipino ay ang Pammadayaw: Araw ng Gawad 2019. Nangangahulugang “pagpaparangal” at/o “pagtitipon” sa Ilocano, ito ay sinimulan noon pang 2016.
Nitong 27 Agosto sa Cultural Center of the
Philippines (CCP), ipininid ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario ang lahat ng gawain sa buong Agosto sa pamamagitan ng kaniyang pagbubukas ng Pammadayaw.
Lima ang nag-uwi ng Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura: Aurora State College of Science and Technology, Bukidnon State University, Pangasinan State University, Sorsogon State College, at Western Mindanao State University.
Para sa Timpalak Jacinto sa Sanaysay, nagwagi ang Katutubong Wika: Sinag ng Pagkakakilanlang Filipino ni Lalaine Fernandez Lacdao ng Agusan del Norte (unang gantimpala); Epifanio sa Hapag ni Peter Ryuken Barquin Hermosura ng Bulakan (ikalawang gantimpala), at Wika Nati’y Katutubô, Hindi Katútubô ni Jester Gabriel de Leon ng Nueva Ecija (ikatlong gantimpla).
Para naman sa Sanaysay ng Taon, tinangay ni Precioso Mamatan Dahe ng Bukidnon ang unang gantimpala, ni Leodivico Cruz Lacsamana ng University of Asia and the Pacific ang ikalawang gantimpala, at ni Dorothy Javier-Martinez ng Pamantasang De La Salle Maynila ang ikatlong gantimpala.
Nagkaroon din ng iKAW o iKabataan Ambásadór sa Wika — matapos ang tagisan ng talinong pangwika at pangkultura at ng mga platapormang pangwika na nais ipatupad ng mga kalahok – at siya ay si Jhon Joseph D. Pandong II para sa wikang Binukid.
Ang pinakang-gitna ng palatuntunan ay ang mga Kampeon ng Wika ngayong 2019 na sina Dr. Michael Coroza (Panitikan at Pagsasalin), Dr. Mario Miclat (Araling Kultural), G. Joaquin Sy (Pagsasalin), at Dr. Galileo Zafra (Panitikan at Wika). Sinundan ito ng pagdakila sa Dangal ng Wikang Filipino na si Dr. Teresita Ramos (Lingguwistika).
Kinabukasan, nagawa pa ng KWF na magkaloob ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko para sa mga sumusunod na ahensiyang pampamahalaan: Lungsod Sta. Rosa,( Kagawaran ng Pagsasaka,( Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan, Pambansang Komisyon sa Laban sa Kahirapan, Tanggapang Pampanguluhan sa Operasyong Pangkomunikasyon, Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Kalakhang Maynila, Pang-alaalang Sentrong Medikal Quirino,Sentrong Medikal ng Rizal, Komisyon sa mga Filipino sa Ibayong Dagat, Lungsod Maynila, Lungsod Taguig, Lungsod Mandaluyong, at Korporasyong Pangkoreo ng Pilipinas.
Bakit nga ba ito ginagawa?
O kailangang gawin?
Sapagkat, sa pagkawala ng mga wika, naglalaho rin ang kakambal nitong kasaysayang taglay-taglay ang mayamang habi ng wika ng pagkakaiba-iba sa buong mundo.
KUMUSTA?
ni Vim Nadera