IPINAHAYAG ni Ahron Villena ang pagkabilib sa mga marinero ng bansa. Isa siya sa tampok sa advocacy film na Marineros na hatid ng Golden Tiger Films at Premier-Dreams Production Incorporated. Ang pelikula ay inspiring at kapupuluan ng aral, ito ay showing na sa September 20, nationwide.
Mula sa pamamahala ni direk Anthony Hernandez, tampok dito ang veteran actor na si Michael de Mesa, with Valerie Concepcion, Claire Ruiz, Jon Lucas, Jef Gaitan, Moses Loyola, Paul Hernandez, si direk Anthony as Marigold, at iba pa.
Nabanggit ni Ahron ang papel sa pelikulang ito. “Bale ako ang panganay sa movie at nang tumigil sa pagbabarko ang father namin na si Michael, parang kinuha ko na rin ang responsibilidad ng pamilya at naging seaman ako rito. Nakita ko na hindi lang basta-basta pala ang maging seaman at mahirap palang trabaho iyan.”
Dagdag niya, “Ako po rito si Kent, panganay na anak ni Sir Michael, followed by Paul Hernandez who played Kelvin and Claire Ruiz, siya po rito si Karen. Ako po rito ‘yung seaman na ang hangad ko lang po sa pamilya ko ay matulungan sila dahil may nangyari sa tatay ko at ‘yung mother namin ay namatay na rito.
“Sa movie, ako po basically ‘yung parang bread winner sa family ko, although ‘yung kapatid kong si Kelvin ay nagtatrabaho rin. And gusto kong matustusan ‘yung pag-aaral ni Karen dahil siya nga ‘yung bunso at gusto ko kahit paano’y makapagtapos siya ng pag-aaral at matupad iyong pangarap niya,” aniya.
Nagbahagi rin siya ng experience sa shooting ng pelikulang ito. “Habang sinuo-shoot po namin itong Marineros, talagang umaandar ‘yung barko from Bohol going to Cebu. So, iyon po ‘yung mga eksena ko, kaya nalaman ko na grabe rin talaga iyong mga struggle ng mga seaman. Kaya talagang saludo ako sa mga seaman, dahil talagang akala ko kasi noong una kapag seaman ka, madali lang. Like example ‘yung role ni Kelvin (Paul) na sa cruise ship siya. Kasi sabi ko, ‘Ay seaman, ang sarap’.”
“Ako kasi, seaman pero ang role ko, nandoon ako sa ilalim ng makina, so talagang sobrang hirap ho talaga. Kaya sabi ko, ganito pala kainit, ganito kaingay, lahat… kaya sabi ko saludo ako sa mga seaman na talagang ginagawa ang lahat para sa pamilya nila. And nakita ko talaga ang paghihirap… na kumbaga pagkatapos ng contract nila, na makita mo ‘yung family nila, talagang iba ‘yung impact talaga, kaya hanga ako sa kanila,” wika ni Ahron.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio