MUNTIK na palang nagkaroon ng relasyon sina Sylvia Sanchez at Joey Marquez noon. Hindi lamang natuloy iyon dahil may Alma Moreno na ang actor.
Ani Sylvia, sinisipat-sipat na siya noon ni Joey. “Siguro kung wala siyang Alma noon at pumapasok na rin naman si Art (Atayde) baka naging kami.”
Nakagawa pala sila ng apat o limang pelikula ni Joey kaya naging magkaibigan sila.
Sinabi naman ni Joey na gandang-ganda siya kay Sylvia.
“Napakaganda ni Ibyang,” sambit ni Joey. “Napaka-sexy, napakaputi, at saka madaling pakisamahan,” anito pa.
At kapag niloloko-loko siya noon ni Joey, ang panakot niya ay si Alma.
“Mapapa-stop siya kapag nandiyan si Alma. Kasi, alam kong wala, eh. Lokohan.”
Ikinatuwa naman ni Sylvia na hindi sila nagkaroon ng relasyon ni Joey. Aniya, sobrang chickboy si Joey. “Baka hiwalay na kami ngayon. So ngayon, nagtatawanan na lang kaming dalawa.”
Nanatili ang pagkakaibigan nina Ibyang at Joey kaya naman masaya ang pagsasama nila sa bagong handog ng Kapamilya, ang Pamilya Ko na magpapakita sa pagsubok na hinaharap ng bawat pamilya—mula sa pagtataksil, away-kapatid, at trahedya—at ang mga bagay na magbubuklod sa kanila—pagpapatawad, pagtanggap, at pagmamahal.
Mapapanood ito simula Setyembre 9 at makakasama nila sina JM De Guzman Kiko Estrada, Kid Yambao, Jairus Aquino, Maris Racal, Kira Balinger, Mutya Orquia, at Raikko Mateo.
Kasama rin sina Arci Muñoz, Irma Adlawan, at Alyssa Muhlach mula sa direksiyon ni Raymund Ocampo.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio