NADAGDAGAN ang listahan ng tagumpay ng Taguig City dahil sa panibagong pagkilala sa larangan ng nutrisyon.
Tinanggap ng pamahalaang lungsod ng Taguig nitong Biyernes ang award mula sa National Nutrition Council (NNC) sa pagiging pinakamataas na local government unit sa buong bansa na may maayos at mabisang nutrition programs simula noong 2013.
Ang Taguig ang nag-iisang siyudad sa buong Metro Manila na nakakuha ng prestihiyosong Nutrition Honor Award, ang pinakamataas na pagkilala na ibinibigay ng NNC sa LGU na may mahusay na pagpaplano, pagsasaayos ng implementasyon ng lokal na programang pang-nutrisyon.
“Nagagalak tayo dahil sa wakas ay nakuha na natin ang award na ito makalipas ang ilang taon nang pagsisikap!” ani Julie Bernabe, Taguig City Nutrition Action Officer.
Ayon kay Bernabe, ang biyahe patungo sa pinakamataas na pagkilalang ito ay hindi naging madali.
Para makuha ng Taguig ang prestihiyosong pagkilala, kinailangan ng lungsod na paghirapang makakuha ng award sa loob ng anim na sunod-sunod na taon.
Gunita niya, halos hindi na nakatutulog ang mga kawani para sa pagpaplano ng masusing programa at sa palagiang pagbisita ng kanyang mga tauhan sa City Nutrition Office sa bawat barangay upang masiguro na ang lahat, bata man o matanda, ay nakakukuha ng sapat at maayos na nutrisyon.
Noong 2013, ang Taguig ay nabiyayaan ng Green Banner award, na ibinibigay sa isang lungsod, munisipalidad at probinsiya na nagpapakita ng maayos na pagpapatupad ng programang pang-nutrisyon.
Ang lungsod ng Taguig ay nabigyang muli ng Green Banner award noong 2014 at 2015, kaya lalong ginanahan ang mga kawani na magpursigi sa mga pagpapatupad ng mga programa.
Hindi rin natapos ang pagbuhos ng pagkilala, sa pagiging awardee ng Green Banner Award sa tatlong magkakasunod na taon, ang Taguig ay pinangalanang Consistent Regional Outstanding Winner (CROWN) in Nutrition nang tatlong magkakasunod na taon, mula 2016 hanggang 2018.
Noong 2018, ang dating mayor at ngayo’y Taguig 2nd District Rep. Lani Cayetano ang nagsabi na ang CROWN award ay patunay ng pagsisikap ng lungsod upang makamit ang mga layunin para sa nutrisyon.
“Ito ay testamento ng pagkakaisa at pagsasama-sama ng buong siyudad na pagtrabahuan ang pagbibigay ng dekalidad na health programs sa mga Taguigeño,” wika ni Cong. Lani.
Ang mga kinilalang programa ng siyudad upang masawata ang malnutrisyon ay “Laging Alagaan Nutrisyon ni Inay” na ang mga buntis lalo na ang mga teenager ay natuturuan ng balanseng dieta at maayos na healthy lifestyle upang masiguro ang ligtas na panganganak.
Ang “Operation Timbang Plus” na ang bigat at laki ng mga bata edad 0-5 anyos ay itinatala upang masubayabayn ang nutrition status ng kabataan, at mula rito ay ipapatupad ang mga programa upang mapanatili silang malusog at hindi mababa ang timbang at laki.
Sa Dietary Supplementation Program, ang mga undernourished na kabataan ay pinapakain ng 120 araw upang ibalik sila sa tamang timbang at nutrisyon na kinakailangan.
“Ang award na ito ay pruweba na ang Taguig City government ay sinserong nagmamalasakit sa mga Taguigeño, at buo ang pagbibigay ng lungsod ng suporta sa tao upang masiguro ang kanilang nutritional wellbeing,” saad ni Bernabe.
Hindi pa rin titigil ang Taguig at patuloy na palalakasin ang mga programa sa mga darating na taon.
Sa ilalim ng liderato ni Mayor Lino Cayetano, ang mga programang pangkalusugan ay palalakasin, palalawigin kasama sa 10-point agenda ng bagong alkalde.
“Uunahin natin ang preventive healthcare services at curative health services sa pamamagitan ng mga karagdagang programang pangkalusugan; mas maayos na health services sa mga health center; programang pang-sports at wellness upang magkaroon ng tandem sa mga Healthcare Facilities bilang parte ng medical assistance sa siyudad,” saad ni Mayor Lino.
Ang nutrisyon ay isa lamang sa maraming programa na nasa ilalim ng pagbibigay kalusugan na isinusulong ng City of Taguig. Sa probinsyudad, libre ang gamot, wheelchairs, saklay at hearing aids na dinadala mismo sa bahay ng nangangailangang residente.
Ang mga physical therapist, nurses at iba pang medical personnel ay bumibisita rin sa mga pasyente sa kanilang bahay upang alamin ang kanilang kalusugan, ang pangangailangang medikal, at tinuturuan ang miyembro ng pamilya kung paano mag-alaga ng may sakit.
Bukod rito, ang Taguig ay patuloy na nangangalaga ng 31 health centers at tatlong super health centers na bukas 24/7. Ang lahat ng mga health centers na ito ay PhilHealth accredited.