KABILANG si Jef Gaitan sa mapapanood sa pelikulang Marineros ni Direk Anthony Hernandez. Mula sa Golden Tiger Films at Premier-Dreams Production Inc., pinagbibidahan ito ng veteran actor na si Michael de Mesa, with Ahron Villena, Claire Ruiz, Valerie Concepcion, Jon Lucas, Paul Hernandez, at iba pa.
Nabanggit niya ang role sa pelikula. ”Ako po si Maya sa movie, isa ako sa regular na kliyente ng cruise ship na isang high class escort service na magkakagusto kay Vince (Paul), na nagtatrabaho sa cruise ship,” saad ni Jef.
Idinagdag ni Jef na nakare-relate siya sa buhay ng marineros dahil marami silang relatives na seaman o seafarers.
“Iyong sa side ng Gaitan lahat iyan from Guimaras, iyong nine brothers sila ng mga lolo ko, lahat ng anak ay seaman lahat. Iyong sa lolo ko lang, iyong dad ko ang hindi nag-seaman.
“I remember years ago nang umuwi ako sa Guimaras, mayroon doon isang boat na idinedicate sa lola ko dahil marami siyang mga apo na naging seaman. Maganda iyong buhay nila dahil marami silang naipatayong apartelles, supermarkets sa Guimaras. Also, iyong mom ko ay general manager siya dati ng isang shipping agency,” pahayag ng aktres.
Third project na ni Jef kay Direk Anthony ang pelikulang Marineros. Ang naunang dalawa ay Surrogate Mother at ang Silent Morning.
Ang Marineros ay isang family-drama advocacy film na punong-puno ng inspirasyon at kapupulutan ng aral. Ang pelikula ay tribute rin sa seafarers at OFWs na malaki ang naiaambag sa ekonomiya ng bansa. Tatlo ang anak ni Michael sa movie, sina Ahron, Paul, at Claire. Dito’y isa siyang seaman na naaksidente sa barko kaya’t nabulag.
Ang Marineros ay showing na sa September 20, nationwide.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio