“PAANO ba naa-acquire ang HIV at AIDS?” Ito ang itinanong sa amin ni Menggie Cobarrubias pagkatapos ng pagpapalabas ng mga short film na kalahok sa CineSpectra Short Film Festival ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at EON Foundation kasama ang LoveYourself Inc. na ginanap noong Agosto 26 sa Trinoma Mall.
Layunin ng CineSpectra Short Film Festival na ibida ang mga pelikulang naglalayong alisin ang stigma sa HIV at AIDS sa bansa at para i-empower ang filmmakers na isapelikula ang mga kuwentong may mga makapangyarihang adbokasiya,
Naitanong iyon ni Menggie dahil ipinakita sa mga short film na kalahok na nakukuha ang AIDS o HIV mula sa mga beki. ‘Yun lang ang ipinakita gayung puwede itong makuha sa pamamagitan ng blood transfusion, pakikipag-sex kung kani-kanino, pakikipagtalik nang walang proteksiyon, paggamit ng hiringgilya (o injection) na nagamit na ng ibang tao at iba pa.
“Parang pinasama naman nila ang imahe ng mga bading. ‘Yun lang ang napansin ko sa mga short film na napanood natin,” sambit pa ng magaling na actor na kasali sa isang short film na kalahok.
Ang CineSpectra ngayong taon na may temang Your Judgment, Their Life ay nag-premiere ng 10 Filipino short films na naglalayong hamunin ang pang-unawa, pati na rin tumutulong sa mga Filipinong maliwanagan tungkol sa HIV at AIDS at ang epekto nito sa lipunan at sa bansa ngayon.
Sa CineSpectra press conference na ginanap noong Agosto 15, 2019, inihayag ni FDCP Chairperson and CEO Mary Liza Diño na ang CineSpectra ay naiiba sa ibang film festivals dahil ginagamit nito ang mga pelikula bilang, “medium to send the message of awareness on HIV and to take out the stigma of people living with it.”
Dagdag pa niya, ”The advocacy of Film Development Council of the Philippines right now—which is very much aligned with EON Foundation’s goal—is to make sure that the messages and the films that are coming out from CineSpectra is not just to finish the film. There was a film lab and film education component.”
Sa 97 entry na isinumite, 10 film projects mula sa buong Pilipinas ang napili para i-develop ang kanilang idea. Sumailalim ang finalists sa film labs gaya ng pitching workshop, story development lab, at editing lab para sa development at production ng kanilang mga pelikula. Dumalo rin sila sa sessions na nagpalawak ng kanilang pag-unawa sa HIV, AIDS, at sexual health.
Bawat finalist ay nakatanggap ng grant na P70,000 para i-develop at i-produce ang kanilang 5-minute short films na itinampok sa festival.
Ang mga entry ay kinabibilangan ng A ni Roylan Modina (Manila City); Alex & Aki ni Dexter Paul De Jesus (Quezon City); Ang Gasgas Na Plaka Ni Lolo Bert ni Janina Gacosta (Mandaluyong City); Doon Sa Isang Sulok ni Alfredo Tapang, Jr. (Quezon City); Guhit ni Kyle Jumayne Francisco (Pampanga); Ikaw Din?! ni John Aaron Alsol (Bulacan); Panihapon ni Christopher Hubahib (Cebu); Quieter is Louder ni Kathleen Gonzales (Bacoor); Taya ni John Aurthur Mercader (Mandaluyong City); at Taym Pers, Pers Taym ni Ma. Ceazara Vidallo (Quezon City).
Bago ang walong short film, ipinalabas muna sa film fest ang critically-acclaimed French film na BPM (Beats per Minute) ni Robin Campillo, na nag-premiere sa 2017 Cannes Film Festival at nanalo ng Grand Prix Prize.
Samantala, itinanghal na Best Director sa CineSpectra Short Film Festival sina Janina Gacosta at Cheska Marfori para sa Ang Gasgas Na Plaka Ni LoLo Bert; Critics Choice ang Gulis ni Kyle Jumayne Francisco; at Best Picture ang Taym Pers, Pers Taym ni Ceazara Vidallo (na kasali na sa Sine Kabataan finalists sa PPP).
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio