ILANG beses nakatanggap ng palakpak si Anne Curtis sa kanyang madamdaming pagganap bilang si Mae sa Just A Stranger sa premiere night nito sa SM Cinema 1 ng SM Megamall noong Lunes ng gabi.
Napakahusay ni Anne bilang si Mae na nagkaroon ng relasyon kay Jericho o Jek Jek (Marco Gumabao) na half of her age. Lalo na roon sa tagpong nag-breakdown sya nang walang dialogue at impit na pag-iyak, napakahusay niya roon gayundin sa pangungumpisal niya kay Josef Elizalde, ang gumanap na may pagka-tsismosong pari sa pelikula.
Masakit sa dibdib ang pelikulang Just A Stranger na tiyak madudurog ang mga puso ninyo sa maraming tagpo na nagpakita ng husay ni Anne.
Iisa ang sinasabi ng mga nakapanood ng pelikula, ito ang pinakamahusay na pelikula ni Anne.
Nagtagumpay din si Marco sa pagganap bilang tin-edyer na sa hitsura’y ipinakita ang pagiging totoy talaga at pagiging masunuring anak. Wala rin siyang takot na magpakita ng maputing butt na sabi nga ng iba’y tila kutis ng bata.
Maayos ding nailahad ni Direk Jason Paul Laxamana ang istorya ng Just A Stranger na talaga namang kumurot sa puso namin. Magaling talagang magkuwento si Laxamana, malinaw at madaling maintindihan. Nagtagumpay si Direk Paul na ipakita ang emosyon ng dalawang taong pinagtagpo at na-in love sa maling pagkakataon at panahon.
Malakas din ang chemistry nina Anne at Marco, lalo na sa kanilang sex scenes. Hindi talaga makikitang malayo ang agwat ng edad nila. At tulad ng sinabi ni Direk Jason, game na game ang dalawa sa laplapan at love scene. Whew, ang dami ha.
Sa kabilang banda, tiyak na magmamarka sa manonood ang last scene ng pelikula. In fact isa ‘yun sa favorite scene ko na bonggang tinuran ni Anne ang title ng pelikula.
Palabas na ngayon sa mga sinehan ang Just A Stranger na kasama ring bibida sina Edu Manzano, Cherie Gil, Robert Seña, Isay Alvarez, Ana Abad Santos, Menggie Cobarrubias, Danita Paner, C.J. Javarata, Pio Balbuena, Abby Bautista, Seira Briones, at Jas Rodriguez. Handog ito ng Viva Films.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio